Deuteronomio 28:9-25 Ang Salita ng Dios (ASND)

9. Ayon sa ipinangako ng Panginoon na inyong Dios, gagawin niya kayo na pinili niyang mamamayan, kung susundin ninyo ang kanyang mga utos at mamumuhay ng ayon sa kanyang pamamaraan.

10. At sa ganoon ay malalaman ng lahat ng tao sa mundo na pinili kayo ng Panginoon, at matatakot sila sa inyo.

11. Pagpapalain kayo ng Panginoon doon sa lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninuno na ibibigay sa inyo. Pararamihin niya ang inyong mga anak, mga hayop at ang inyong ani.

12. Padadalhan kayo ng Panginoon ng ulan sa tamang panahon mula sa taguan ng kayamanan niya sa langit, at pagpapalain niya ang lahat ng ginagawa ninyo. Magpapautang kayo sa maraming bansa, pero kayo ay hindi mangungutang.

13. Gagawin kayo ng Panginoon na pinuno ng mga bansa, at hindi tagasunod lang. Lagi kayong nasa itaas at hindi sa ilalim kung susundin ninyong mabuti ang mga utos ng Panginoon na inyong Dios na ibinibigay ko sa inyo ngayon.

14. Kaya huwag ninyong susuwayin ang alinman sa iniuutos ko sa inyo sa araw na ito, at huwag kayong susunod sa ibang mga dios at maglilingkod sa kanila.

15. “Ngunit kung hindi kayo susunod sa Panginoon na inyong Dios at hindi susunding mabuti ang lahat ng utos niya at tuntunin na ibinibigay ko sa inyo ngayon, mararanasan ninyo ang lahat ng sumpang ito:

16. Susumpain ng Panginoon ang inyong mga lungsod at bukid.

17. Susumpain niya ang inyong mga ani at pagkain.

18. Susumpain niya kayo sa pamamagitan ng pagbibigay sa inyo ng kaunting anak, ani, at hayop.

19. Susumpain niya ang lahat ng gagawin ninyo.

20. Maguguluhan at malilito kayo sa lahat ng gagawin ninyo hanggang sa malipol kayo at tuluyang mawala, dahil sa masama ninyong ginagawa sa pamamagitan ng pagsuway sa kanya.

21. Padadalhan kayo ng Panginoon ng mga salot hanggang sa mamatay kayo roon sa lupain na titirhan at aangkinin ninyo.

22. Pahihirapan kayo ng Panginoon sa sakit na hindi gumagaling, lagnat, pamamaga, mainit na hangin, mahabang tagtuyot, at peste sa mga halaman hanggang sa mamatay kayo.

23. Magiging parang tanso ang langit na hindi magbibigay ng ulan at ang lupa ay matutuyo at magiging kasintigas ng bakal.

24. Sa halip na tubig ang ibigay ng Panginoon sa inyo bilang ulan, alikabok ang ibibigay niya. Pauulanin niya ng alikabok hanggang sa mamatay kayo.

25. “Ipapatalo kayo ng Panginoon sa inyong mga kaaway. Sama-sama kayong sasalakay sa kanila, pero magkakanya-kanya kayo sa pagtakas. Magiging kasuklam-suklam kayo sa lahat ng kaharian sa mundo.

Deuteronomio 28