Deuteronomio 28:56-64 Ang Salita ng Dios (ASND)

56. Kahit na ang mahinhin at napakabait na babae ay magiging mabangis sa kanyang minamahal na asawaʼt mga anak.

57. Itatago niya ang kanyang anak na kapapanganak pa lang at ang inunan nito para kainin nang lihim, dahil natatakot siyang walang makain habang pinapalibutan ng inyong mga kaaway ang mga lungsod.

58. “Kung hindi ninyo susunding mabuti ang lahat ng mga utos na nakasulat sa aklat na ito, at hindi igagalang ang kahanga-hanga at kamangha-manghang pangalan ng Panginoon na inyong Dios,

59. padadalhan niya kayo at ang inyong mga lahi ng malulubhang karamdaman na sobrang sakit at wala nang lunas para rito.

60. Ipapalasap niya sa inyo ang nakakatakot na mga karamdaman na ipinadala niya sa Egipto, at mananatili ito sa inyo.

61. Ipapalasap din sa inyo ng Panginoon ang lahat ng uri ng karamdaman na hindi naisulat sa aklat ng kasunduan, hanggang sa mamatay kayo.

62. Kahit na kasindami kayo ng bituin sa langit, kakaunti lang ang matitira sa inyo dahil hindi kayo sumunod sa Panginoon na inyong Dios.

63. Gaya ng kasiyahan ng Panginoon sa pagpapaunlad at pagpaparami sa inyo, ikasisiya rin niya ang pagwasak at pagpatay sa inyo, hanggang sa mawala kayo sa lupaing titirhan at aangkinin ninyo.

64. “Pangangalatin kayo ng Panginoon sa lahat ng bansa sa bawat sulok ng mundo. At dooʼy sasamba kayo sa ibang mga dios na gawa sa kahoy at bato, na hindi ninyo nakikilala o ng inyong mga ninuno.

Deuteronomio 28