49. “Ipapasalakay kayo ng Panginoon sa isang bansa na mula sa malayong lugar, sa dulo ng mundo, na hindi ninyo maintindihan ang salita. Sasalakayin nila kayo katulad ng pagsila ng agila sa mga kaaway.
50. Mababangis sila at walang awa sa matanda man o bata.
51. Kakainin nila ang mga hayop at mga ani ninyo hanggang sa mamatay kayo. Wala silang ititirang trigo, bagong katas ng ubas, langis o hayop hanggang sa malipol kayo.
52. Sasalakayin nila ang lahat ng lungsod na ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios sa inyo hanggang sa gumuho ang nagtataasang pader nito na pinagtitiwalaan ninyo.
53. “Sa panahong pinapalibutan kayo ng mga kaaway, kakainin ninyo ang inyong mga anak na ibinigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios dahil sa sobrang gutom.
54. Kahit na ang mahinahon at napakabait na tao sa inyo ay hindi na maaawa sa kanyang kapatid, sa minamahal niyang asawa at sa natira niyang anak.
55. Hindi niya sila bibigyan ng kinakain niyang laman ng kanyang anak dahil natatakot siyang maubusan ng pagkain. Ganyan ang mangyayari sa inyo sa panahon na papalibutan ng inyong mga kaaway ang lahat ng lungsod ninyo.