Deuteronomio 28:45-54 Ang Salita ng Dios (ASND)

45. Mangyayari ang lahat ng sumpang ito sa inyo hanggang sa mamatay kayo, kung hindi ninyo susundin ang Panginoon na inyong Dios at ang kanyang mga utos at mga tuntunin na ibinigay niya sa inyo.

46. Magiging babala sa inyo at sa inyong mga salinlahi ang mga sumpang ito magpakailanman.

47. Dahil hindi kayo naglingkod nang may kaligayahan at kagalakan sa Panginoon na inyong Dios sa panahon ng inyong kasaganaan,

48. ibibigay niya kayo sa mga kaaway na ipinadala niya sa inyo at maglilingkod kayo sa kanila. Gugutumin kayo, uuhawin, kukulangin ng damit at mawawalan ng lahat ng bagay. Pahihirapan niya kayo na parang kinabitan ng pamatok na bakal sa leeg hanggang sa mamatay kayo.

49. “Ipapasalakay kayo ng Panginoon sa isang bansa na mula sa malayong lugar, sa dulo ng mundo, na hindi ninyo maintindihan ang salita. Sasalakayin nila kayo katulad ng pagsila ng agila sa mga kaaway.

50. Mababangis sila at walang awa sa matanda man o bata.

51. Kakainin nila ang mga hayop at mga ani ninyo hanggang sa mamatay kayo. Wala silang ititirang trigo, bagong katas ng ubas, langis o hayop hanggang sa malipol kayo.

52. Sasalakayin nila ang lahat ng lungsod na ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios sa inyo hanggang sa gumuho ang nagtataasang pader nito na pinagtitiwalaan ninyo.

53. “Sa panahong pinapalibutan kayo ng mga kaaway, kakainin ninyo ang inyong mga anak na ibinigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios dahil sa sobrang gutom.

54. Kahit na ang mahinahon at napakabait na tao sa inyo ay hindi na maaawa sa kanyang kapatid, sa minamahal niyang asawa at sa natira niyang anak.

Deuteronomio 28