9. Sinabi pa ni Moises at ng mga pari na mga Levita sa lahat ng Israelita, “Makinig kayo, O mga mamamayan ng Israel! Sa araw na ito, naging mamamayan na kayo ng Panginoon na inyong Dios.
10. Kaya sundin ninyo ang Panginoon na inyong Dios at tuparin ang lahat ng utos at tuntunin niyang ibinibigay ko sa inyo ngayon.”
11. Nang araw na iyon, iniutos ni Moises sa mga tao,
12. “Kapag nakatawid na kayo sa Jordan, ito ang mga angkan na tatayo sa Bundok ng Gerizim para basbasan ang mga tao: ang lahi nina Simeon, Levi, Juda, Isacar, Jose at Benjamin.
13. At ito ang mga lahi na tatayo sa Bundok ng Ebal para sumpain ang mga tao: ang lahi nina Reuben, Gad, Asher, Zebulun, Dan at Naftali.
14. “Ang mga Levita naman ay sisigaw nang malakas:
15. “Sumpain ang taong gagawa ng anumang mga dios-diosan na gawa sa bato o tanso at sasambahin ito kahit palihim. Sapagkat kinasusuklaman ng Panginoon ang dios-diosang ginawa ng tao.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”
16. “Sumpain ang taong hindi gumagalang sa kanyang magulang.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”
17. “Sumpain ang taong nagnakaw ng lupain ng kanyang kapwa sa pamamagitan ng paglilipat ng muhon ng lupain nito.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”
18. “Sumpain ang taong nagliligaw ng bulag sa daan.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”
19. “Sumpain ang taong hindi nagbibigay ng hustisya sa mga dayuhan, sa mga ulila at sa mga biyuda.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”
20. “Sumpain ang taong nakikipagtalik sa asawa ng kanyang ama, dahil ipinapahiya niya ang kanyang ama.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”
21. “Sumpain ang taong nakikipagtalik sa anumang hayop.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”
22. “Sumpain ang taong nakikipagtalik sa kanyang kapatid na babae, kapatid man niya ito sa ama o sa ina.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”