8. “Kung magpapatayo kayo ng bahay, lagyan ninyo ng rehas ang palibot ng inyong patag na bubong para wala kayong pananagutan kung may mahulog mula sa bubong ninyo at mamatay.
9. “Huwag kayong magtatanim ng ibang binhi sa ubasan. Kung gagawin ninyo ito, magiging pag-aari na ng templo ang bungang itinanim ninyo at pati na rin ang bunga ng inyong ubasan.
10. “Huwag ninyong pagpaparisin ang baka at ang asno sa pag-aararo.
11. Huwag kayong magsusuot ng damit na ginawa sa dalawang klase ng tela.
12. “Lagyan ninyo ng palawit ang apat na gilid ng balabal na damit ninyo.
13. “Kung napangasawa ng isang lalaki ang isang babae, at pagkatapos nilang magsiping ay inayawan ng lalaki ang kanyang asawa
14. at pinagbintangan niya ito. At sinabi niya, ‘Natuklasan kong hindi na birhen ang aking asawa nang sumiping ako sa kanya.’
15. Pupunta ang magulang ng babae sa mga tagapamahala doon sa may pintuan ng bayan. Magdadala sila ng ebidensya na birhen ang anak nila.
16. At sasabihin ng ama ng babae sa mga tagapamahala, ‘Ipinakasal ko ang anak ko sa taong ito at ngayoʼy nagagalit siya sa anak ko.
17. Pinagbibintangan niya ang anak ko na hindi na siya birhen nang mapangasawa niya. Pero heto ang ebidensya na birhen ang aking anak.’ At ipapakita ng magulang sa mga tagapamahala ang sapin ng mag-asawa na may dugo.
18. Pagkatapos nito, huhulihin ng mga tagapamahala ang lalaki at parurusahan.
19. Pagmumultahin siya ng 100 pirasong pilak at ibibigay ito sa ama ng babae, dahil ipinahiya niya ang isang birheng Israelita. At dapat ay huwag niyang hihiwalayan ang babae habang nabubuhay siya.
20. “Pero kung totoo ang bintang at walang makitang ebidensya na birhen ang babae,
21. dadalhin ang babaeng iyon sa harap ng bahay ng kanyang ama at doon babatuhin siya ng mga lalaki ng bayan hanggang sa mamatay. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa. Nakakahiya ang bagay na ginawa niya sa Israel sa pamamagitan ng pakikiapid habang nasa poder pa siya ng kanyang ama.
22. “Kung nakiapid ang isang lalaki sa isang babaeng may asawa, dapat na patayin silang dalawa. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.
23. “Kung ang isang lalaki ay nakiapid sa isang dalagang malapit nang ikasal, at nangyari ito sa isang bayan,
24. dadalhin silang dalawa sa pintuan ng bayan at babatuhin hanggang sa mamatay. Papatayin ang babae dahil kahit na naroon siya sa bayan, hindi siya sumigaw para humingi ng tulong. Papatayin din ang lalaki dahil nakiapid siya sa babaeng ikakasal na. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.
25. “Ngunit kung ang babaeng ikakasal na ay pinagsamantalahan ng lalaki sa labas ng bayan, ang lalaki lang ang papatayin.