Deuteronomio 20:3-11 Ang Salita ng Dios (ASND)

3. ‘Makinig kayo, O mamamayan ng Israel! Sa araw na ito ay makikipagdigma kayo sa inyong mga kaaway. Lakasan ninyo ang inyong loob at huwag kayong matakot.

4. Sapagkat ang Panginoon na inyong Dios ang sasama sa inyo! Makikipaglaban siya para sa inyo laban sa mga kaaway ninyo at pagtatagumpayin niya kayo!’

5. “Pagkatapos, ganito dapat ang sasabihin ng mga opisyal sa mga sundalo: ‘Sinuman sa inyo ang may bagong bahay na hindi pa naitatalaga, umuwi siya, dahil baka mapatay siya sa labanan, at ibang tao ang magtalaga ng bahay niya.

6. Kung mayroon sa inyong nakapagtanim ng ubas at hindi pa niya napapakinabangan ang bunga nito, umuwi rin siya dahil baka mapatay siya sa labanan at ang ibang tao ang makinabang nito.

7. Kung may ikakasal sa inyo, umuwi siya dahil baka mapatay siya sa labanan at ang ibang tao ang pakasalan ng kanyang mapapangasawa.’

8. “Sasabihin pa ng mga opisyal, ‘Kung mayroon sa inyong natatakot o naduduwag, umuwi siya dahil baka maduwag din ang mga kasama niya.’

9. Kapag natapos na ng mga opisyal ang pagsasabi nito sa mga sundalo, pipili sila ng mga pinuno para pamahalaan ang mga sundalo.

10. “Kung sasalakay kayo sa isang lungsod, bigyan nʼyo muna sila ng pagkakataong sumuko.

11. Kapag sumuko sila at buksan ang pintuan ng kanilang lungsod, gawin nʼyong alipin silang lahat at pagtrabahuhin para sa inyo.

Deuteronomio 20