Deuteronomio 2:5-17 Ang Salita ng Dios (ASND)

5. Huwag nʼyo silang pakikialaman, dahil ibinigay ko na sa kanila ang mga kaburulan ng Seir bilang kanilang lupain, at ni kapiraso man ng lupain nila ay hindi ko ibibigay sa inyo.

6. Babayaran ninyo ng pilak ang pagkain at inuming manggagaling sa kanila.’

7. Alalahanin ninyo kung paano ko kayo pinagpala sa lahat ng ginawa ninyo. Ako ang Panginoon na inyong Dios ay nagbabantay sa inyo sa paglalakbay sa malawak na ilang na ito. Sa loob ng 40 taon, sinamahan ko kayo, at hindi kayo kinulang ng mga bagay na kailangan ninyo.

8. “Kaya dumaan tayo sa mga kadugo na lahi ni Esau, na naninirahan sa Seir. Hindi tayo dumaan sa daan ng Araba, na nanggagaling sa mga bayan ng Elat at Ezion Geber. Nang naglalakbay na tayo sa daan sa ilang ng Moab,

9. sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Huwag ninyong guguluhin o lulusubin ang mga Moabita na lahi ni Lot, dahil ibinigay ko sa kanila ang Ar bilang lupain nila, at ni kapiraso man ng lupain nila ay hindi ko ibibigay sa inyo.’ ”

10. (Noong una, naninirahan sa Ar ang marami at malalakas na tao na tinatawag na Emita. Silaʼy matatangkad katulad ng mga angkan ni Anak.

11. Tinatawag din silang Refaimeo, katulad ng mga angkan ni Anak, pero tinatawag silang Emita ng mga Moabita.

12. Sa Seir dati nakatira ang mga Horeo, pero pinalayas sila ng mga lahi ni Esau, at sila na ang nanirahan doon, katulad ng ginawa ng mga Israelita sa mga Cananeo sa lupain na ibinigay ng Panginoon sa kanila.)

13. Sinabi pa ni Moises, “Pagkatapos, inutos ng Panginoon na tumawid tayo sa Lambak ng Zered, kaya tumawid tayo.

14. Itoʼy pagkalipas ng 38 taon mula noong umalis tayo sa Kadesh Barnea. Nang mga panahong iyon, nangamatay ang mga sundalong Israelita sa henerasyong iyon, ayon sa isinumpa ng Panginoon sa kanila.

15. Pinarusahan sila ng Panginoon hanggang sa mamatay silang lahat sa kampo.

16. “Nang patay na ang lahat ng sundalo,

17. sinabi sa akin ng Panginoon,

Deuteronomio 2