23. Ito rin ang nangyari nang sinalakay ng taga-Caftor ang mga taga-Avim na naninirahan sa mga baryo ng Gaza. Nilipol nila ang mga taga-Avim at tinirhan ang lupain ng mga ito.
24. “Pagkatapos, sinabi ng Panginoon, ‘Ngayon, tumawid na kayo sa Lambak ng Arnon. Ibinibigay ko sa inyo ang Amoreong si Haring Sihon ng Heshbon, at ang kanyang lupain. Salakayin ninyo siya at angkinin ang kanyang lupain.
25. Mula ngayon, loloobin kong matakot sa inyo ang lahat ng bansa sa buong mundo. Manginginig sa takot ang makakarinig ng tungkol sa inyo.’
26. “Kaya noong naroon tayo sa ilang ng Kedemot, nagsugo ako ng mga mensahero kay Haring Sihon ng Heshbon upang sabihin sa kanya ang mensahe para sa ikabubuti ng aming relasyon. Sinabi ko,
27. ‘Kung maaari, payagan nʼyo kaming dumaan sa inyong lupain. Sa pangunahing daan lang kami dadaan, hindi kami lilihis ng daan.
28. Babayaran namin ang aming makakain at maiinom. Ang pakiusap lang namin sa inyo, payagan nʼyo kaming dumaan sa inyong lupain
29. katulad ng ginawa ng mga lahi ni Esau na naninirahan sa Seir at ng mga Moabita na naninirahan sa Ar. Payagan nʼyo kaming dumaan hanggang sa makatawid kami sa Ilog ng Jordan papunta sa lupaing ibinibigay sa amin ng Panginoon naming Dios.’
30. Pero hindi pumayag si Haring Sihon ng Heshbon na padaanin tayo dahil pinatigas ng Panginoon na inyong Dios ang kanyang puso para ibigay niya siya sa ating mga kamay, kagaya ng ginawa niya ngayon.
31. “Pagkatapos, sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Sinimulan ko nang ibigay sa inyo si Sihon at ang kanyang lupain; kaya simulan na ninyo ang pagsalakay at pagsakop sa kanyang lupain.’
32. “Nang nakikipaglaban si Sihon at ang kanyang mga sundalo sa atin doon sa Jahaz,
33. ibinigay siya ng Panginoon na ating Dios sa atin at pinatay natin siya, pati ang mga anak niya at ang lahat ng sundalo niya.
34. Nang panahong iyon, sinakop natin ang lahat ng kanyang bayan at nilipol sila ng lubusan – mga lalaki, babae at mga bata. Wala tayong itinirang buhay.