Deuteronomio 17:6-18 Ang Salita ng Dios (ASND)

6. Pwede lang patayin ang tao kapag napatunayang nagkasala siya sa pamamagitan ng patotoo ng dalawa o tatlong saksi, pero kung isa lang ang saksi, hindi siya pwedeng patayin.

7. Ang mga saksi ang unang babato sa taong nagkasala, at susunod na babato ang lahat ng tao. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.

8. “Kung may mga kaso sa korte ninyo tungkol sa pagpatay, pag-aaway o pananakit na mahirap bigyan ng desisyon; ang gawin ninyo, dalhin ninyo ang kasong ito sa lugar na pinili ng Panginoon na inyong Dios

9. kung saan ang mga pari na mga Levita at ang mga hukom na naglilingkod sa panahong iyon ang magdedesisyon sa kaso.

10. Kailangang tanggapin ninyo ang kanilang desisyon doon sa lugar na pinili ng Panginoon. Sundin ninyong mabuti ang lahat ng sinabi nila sa inyo.

11. Kung anuman ang kanilang napagdesisyunan ayon sa kautusan, dapat ninyo itong sundin. Huwag ninyong susuwayin ang sinabi nila sa inyo.

12. Ang taong hindi tatanggap sa desisyon ng hukom o ng pari na naglilingkod sa Panginoon na inyong Dios ay dapat patayin. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.

13. Kapag narinig ito ng lahat ng tao, matatakot sila at hindi na muling gagawa ng bagay na iyon.

14. “Kapag nakapasok na kayo sa lupaing ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios at maangkin na ninyo iyon at doon na kayo manirahan, sasabihin ninyo, ‘Pumili tayo ng hari na mamumuno sa atin katulad ng mga bansa sa palibot natin.’

15. Siguraduhin ninyo na ang pipiliin ninyong hari ay ang pinili rin ng Panginoon na inyong Dios, at kailangang katulad ninyo siyang Israelita. Huwag kayong pipili ng dayuhan.

16. Hindi dapat mag-ipon ng maraming kabayo ang hari ninyo, at hindi niya dapat pabalikin sa Egipto ang mga tauhan niya para bumili ng mga kabayo, dahil sinabi ng Panginoong Dios sa inyo na huwag na kayong babalik doon.

17. Hindi siya dapat magkaroon ng maraming asawa dahil baka tumalikod siya sa Panginoon. At hindi dapat siya nagmamay-ari ng maraming pilak at ginto.

18. “Kung uupo na siya sa trono bilang hari, kailangan niyang kopyahin ang mga kautusang ito para sa kanyang sarili sa harapan ng mga pari na mga Levita.

Deuteronomio 17