Deuteronomio 14:10-23 Ang Salita ng Dios (ASND)

10. Pero huwag ninyong kainin ang walang palikpik at kaliskis. Ituring ninyo itong marumi.

11. Pwede ninyong kainin ang anumang klase ng ibon na itinuturing na malinis.

12-18. Pero huwag ninyong kakainin ang mga ibon katulad ng agila, uwak, ibon na kumakain ng bangkay ng tao o hayop, lawin, kuwago, ibong naninila, ibong dumadagit ng isda, tagak, at paniki.

19. Huwag din ninyong kakainin ang mga insektong may pakpak na gumagapang.

20. Pero pwede ninyong kainin ang mga insektong itinuturing na malinis.

21. “Huwag ninyong kakainin ang anumang hayop na patay na. Maaari ninyo itong ipagbili sa mga dayuhan o ibigay sa mga dayuhang naninirahang sa bayan nʼyo, at kakainin nila ito. Pero huwag kayong kakain nito, dahil ibinukod kayo bilang mamamayan ng Panginoon na inyong Dios.“Huwag ninyong lulutuin ang batang kambing sa gatas ng kanyang ina.

22. “Dapat ninyong ibukod ang ikasampung bahagi ng lahat ng ani ng inyong bukid bawat taon.

23. Dalhin ninyo ang ikasampung bahagi ng trigo, bagong katas ng ubas at langis, at ang panganay ng inyong mga hayop sa lugar na pipiliin ng Panginoon na inyong Dios, kung saan pararangalan siya. Doon ninyo ito dalhin sa kanyang presensya. Gawin ninyo ito para matuto kayo na laging gumalang sa Panginoon na inyong Dios.

Deuteronomio 14