Deuteronomio 12:16-29 Ang Salita ng Dios (ASND)

16. Pero huwag ninyong kakainin ang dugo; ibuhos ninyo ito sa lupa kagaya ng tubig.

17. Huwag din ninyong kainin o inumin ang mga sumusunod: ang ikapu ng inyong mga trigo, bagong katas ng ubas at langis, ang panganay na anak ng inyong mga hayop, ang anumang ipinangako ninyong handog at espesyal na mga regalo, at handog na kusang-loob.

18. Kundi kainin lang ninyo ito sa presensya ng Panginoon na inyong Dios doon sa lugar na pipiliin niya kasama ng inyong mga anak, mga alipin at ng mga Levita na naninirahan sa inyong mga bayan. Magsasaya kayo sa presensya ng Panginoon na inyong Dios sa lahat ng kanyang ginawa.

19. Huwag ninyong pababayaan ang mga Levita habang nabubuhay kayo sa inyong lupain.

20. “Kapag napalawak na ng Panginoon na inyong Dios ang teritoryo ninyo ayon sa ipinangako niya sa inyo, at gusto ninyong kumain ng karne, maaari kayong kumain anumang oras na gustuhin ninyo.

21. Kung malayo sa inyo ang lugar na pinili ng Panginoon na kung saan ninyo siya pararangalan, maaari kayong magkatay ng inyong mga baka o tupa sa inyong lugar. At ayon sa iniutos ko sa inyo, maaari kayong magpakasawa sa pagkain ng mga hayop na ibinigay ng Panginoon sa inyo,

22. katulad ng pagkain ninyo ng gasela at ng usa. Ang bawat tao ay makakakain nito, itinuturing man siyang malinis o marumi.

23. Pero siguraduhin ninyong hindi ninyo kakainin ang dugo, dahil ang buhay ay nasa dugo, at huwag ninyong kakainin ang buhay kasama ng karne.

24. Sa halip, ibuhos ninyo ang dugo sa lupa gaya ng tubig.

25. Huwag ninyo itong kakainin para maging mabuti ang kalagayan ninyo at ng inyong mga lahi, dahil ang pag-iwas sa pagkain ng dugo ay mabuti sa paningin ng Panginoon.

26. “Dalhin ninyo sa lugar na pinili ng Panginoon ang mga bagay na ibibigay ninyo sa Panginoon at ang mga handog na ipinangako ninyo sa kanya.

27. Ihandog ninyo ang dugo at karne ng inyong mga handog sa altar ng Panginoon na inyong Dios. Dapat ninyong ibuhos ang dugo sa gilid ng altar ng Panginoon na inyong Dios, pero pwede ninyong kainin ang karne.

28. Sundin ninyo ang lahat ng tuntuning ito na ibinibigay ko sa inyo, para laging maging mabuti ang kalagayan ninyo at ng lahi ninyo, dahil mabuti at tama ang pagsunod sa mga ito sa paningin ng Panginoon na inyong Dios.

29. “Kapag winasak na ng Panginoon na inyong Dios ang mga bansa na sasalakayin ninyo, at pinalayas ninyo ang mga naninirahan dito at inagaw ang kanilang lugar,

Deuteronomio 12