Deuteronomio 12:15-25 Ang Salita ng Dios (ASND)

15. “Pero kung hindi panghandog, maaari ninyong katayin at kainin ang hayop saanman kayo nakatira. Magpakasawa kayong kumain ng karne nito, kagaya ng pagkain ninyo ng usa at ng gasela ayon sa pagpapalang ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. Ang bawat tao ay makakakain nito, itinuturing man siyang malinis o marumi.

16. Pero huwag ninyong kakainin ang dugo; ibuhos ninyo ito sa lupa kagaya ng tubig.

17. Huwag din ninyong kainin o inumin ang mga sumusunod: ang ikapu ng inyong mga trigo, bagong katas ng ubas at langis, ang panganay na anak ng inyong mga hayop, ang anumang ipinangako ninyong handog at espesyal na mga regalo, at handog na kusang-loob.

18. Kundi kainin lang ninyo ito sa presensya ng Panginoon na inyong Dios doon sa lugar na pipiliin niya kasama ng inyong mga anak, mga alipin at ng mga Levita na naninirahan sa inyong mga bayan. Magsasaya kayo sa presensya ng Panginoon na inyong Dios sa lahat ng kanyang ginawa.

19. Huwag ninyong pababayaan ang mga Levita habang nabubuhay kayo sa inyong lupain.

20. “Kapag napalawak na ng Panginoon na inyong Dios ang teritoryo ninyo ayon sa ipinangako niya sa inyo, at gusto ninyong kumain ng karne, maaari kayong kumain anumang oras na gustuhin ninyo.

21. Kung malayo sa inyo ang lugar na pinili ng Panginoon na kung saan ninyo siya pararangalan, maaari kayong magkatay ng inyong mga baka o tupa sa inyong lugar. At ayon sa iniutos ko sa inyo, maaari kayong magpakasawa sa pagkain ng mga hayop na ibinigay ng Panginoon sa inyo,

22. katulad ng pagkain ninyo ng gasela at ng usa. Ang bawat tao ay makakakain nito, itinuturing man siyang malinis o marumi.

23. Pero siguraduhin ninyong hindi ninyo kakainin ang dugo, dahil ang buhay ay nasa dugo, at huwag ninyong kakainin ang buhay kasama ng karne.

24. Sa halip, ibuhos ninyo ang dugo sa lupa gaya ng tubig.

25. Huwag ninyo itong kakainin para maging mabuti ang kalagayan ninyo at ng inyong mga lahi, dahil ang pag-iwas sa pagkain ng dugo ay mabuti sa paningin ng Panginoon.

Deuteronomio 12