1. “Ito ang mga utos at tuntunin na dapat nʼyong sundin nang mabuti habang nabubuhay kayo rito sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno.
2. Kapag pinalayas na ninyo ang mga taong naninirahan doon, gibain ninyo ang lahat ng lugar na pinagsasambahan nila sa kanilang mga dios-diosan: sa matataas na mga bundok, sa mga kaburulan at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy.
3. Gibain din ninyo ang kanilang mga altar, durugin ang mga alaalang bato nila, sunugin ang kanilang mga posteng simbolo ng diyosang si Ashera, at durugin ang imahen ng kanilang mga dios para hindi na ito alalahanin pa sa mga lugar na iyon.
4. “Huwag ninyong sasambahin ang Panginoon na inyong Dios na gaya ng paraan ng kanilang pagsamba,
5. kundi dumulog kayo sa Panginoon na inyong Dios at parangalan siya sa lugar na kanyang pipiliin mula sa lahat ng teritoryo ng mga lahi ng Israel.
6. Doon ninyo dalhin ang mga handog ninyo na sinusunog at iba pang mga handog, ang inyong mga ikapu, ang inyong mga espesyal na handog, ang inyong mga ipinangakong regalo at mga handog na kusang-loob, gayon din ang panganay ng inyong mga hayop.
7. Doon kayo kumain at ang inyong pamilya sa presensya ng Panginoon na inyong Dios, at magsaya kayo sa lahat ng inyong nagawa dahil pinagpala kayo ng Panginoon.
10. Kapag nakatawid na kayo sa Jordan at nanirahan sa lugar na ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios bilang inyong mana, mabubuhay kayo nang mapayapa dahil hindi papayag ang Panginoon na gambalain kayo ng mga kaaway sa inyong paligid.
11. Pagkatapos, dalhin ninyo ang mga handog doon sa lugar na pipiliin ng Panginoon na inyong Dios, kung saan pararangalan siya. Ito ang mga handog na iniutos ko sa inyo: mga handog na sinusunog at ang iba pang mga handog, ang inyong ikapu, ang mga espesyal na regalo at ang lahat ng handog na ipinangako ninyo sa Panginoon.