7. Kayo ang nakakita ng mga dakilang bagay na ito na ginawa ng Panginoon.
8. “Kaya sundin ninyo ang lahat ng utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon para may lakas kayo sa paglalakbay at sa pag-agaw ng lupain sa kabila ng Jordan.
9. Kung susunod kayo, mabubuhay kayo nang matagal doon sa maganda at masaganang lupain na ipinangako ng Panginoon na ibibigay sa inyong mga ninuno at sa kanilang mga salinlahi.
10. Sapagkat ang lupain na aangkinin at titirhan ninyo ay hindi gaya ng lupain sa Egipto na pinanggalingan ninyo. Doon sa Egipto, kapag magtatanim kayo, magpapakahirap pa kayo ng todo sa pagpapatubig nito.
11. Ngunit ang lupain na aangkinin ninyo ay may mga bundok at lambak na laging nauulanan.
12. Ang lupaing ito ay inaalagaan ng Panginoon na inyong Dios; binabantayan niya ito araw-araw sa buong taon!
13. “Kaya kung lagi lang ninyong susundin ang mga utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon, na mahalin ninyo ang Panginoon na inyong Dios at paglingkuran ninyo nang buong pusoʼt kaluluwa,
14. padadalhan niya kayo ng ulan sa tamang panahon para makapag-ani kayo ng trigo, ng bagong katas ng ubas at ng olibo para gawing langis.
15. Bibigyan niya ng pastulan ang mga hayop ninyo, at magkakaroon kayo ng masaganang pagkain.
16. “Mag-ingat kayo dahil baka matukso kayong lumayo sa Dios at sumamba sa ibang mga dios at maglingkod sa kanila.
17. Kapag ginawa ninyo ito, magagalit ang Panginoon sa inyo at hindi na niya pauulanin at hindi na kayo makakapag-ani, at sa huli ay mawawala kayo sa magandang lupain na ibibigay ng Panginoon sa inyo.
18. Kaya panatilihin ninyo ang mga salita kong ito sa inyong pusoʼt isipan. Itali ninyo ito sa mga braso ninyo at ilagay sa inyong noo bilang paalala sa inyo.
19. Ituro ito sa inyong mga anak. Pag-usapan ninyo ito kapag naroon kayo sa inyong bahay at kapag naglalakad kayo, kapag nakahiga kayo o kapag kayoʼy babangon.
20. Isulat ninyo ito sa mga hamba ng inyong mga pintuan at sa pintuan ng inyong lungsod,
21. para kayo at ang inyong mga anak ay mabuhay nang matagal doon sa lupaing ipinangako ng Panginoon na ibibigay sa inyong mga ninuno. Maninirahan kayo rito hanggaʼt may langit sa ibabaw ng mundo.
22. “Kung susundin ninyong mabuti ang lahat ng mga utos na ibinibigay ko sa inyo, na mahalin ninyo ang Panginoon na inyong Dios at mabuhay ayon sa kanyang pamamaraan at manatili sa kanya,