1. “Mahalin ninyo ang Panginoon na inyong Dios at tuparin ang kanyang mga utos, tuntunin, panuntunan at kautusan.
2. Alalahanin ninyo ang naranasang pagtutuwid ng Panginoon na inyong Dios sa inyo. Kayo ang nakaranas nito at hindi ang mga anak ninyo. Hindi sila ang nakakita ng kadakilaan at kapangyarihan ng Panginoon,
3. at ng mga himala na ginawa niya sa Egipto laban sa Faraon na hari nito at sa buong bansa nito.
4. Hindi rin nila nakita ang ginawa ng Panginoon sa mga sundalong Egipcio at sa mga kabayo at mga karwahe nila, at kung paano nilunod ng Panginoon ang mga ito sa Dagat na Pula nang hinabol nila kayo. Nangamatay silang lahat.
5. Hindi rin nakita ng mga anak ninyo ang ginawa ng Panginoon sa inyo roon sa disyerto hanggang sa makarating kayo sa lugar na ito,
6. at kung ano ang ginawa niya kina Datan at Abiram, na mga anak ni Eliab na lahi ni Reuben. Nilamon sila ng lupang bumuka, pati ang kanilang pamilya, tolda at ang lahat ng nakatirang kasama nila. Nangyari ito sa harap ng mga Israelita.
7. Kayo ang nakakita ng mga dakilang bagay na ito na ginawa ng Panginoon.
8. “Kaya sundin ninyo ang lahat ng utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon para may lakas kayo sa paglalakbay at sa pag-agaw ng lupain sa kabila ng Jordan.