Deuteronomio 1:5-13 Ang Salita ng Dios (ASND)

5. Kaya sinabi nga sa kanila ni Moises ang mga kautusan ng Panginoon doon sa silangan ng Jordan, sa teritoryo ng Moab. Sinabi niya,

6. “Noong naroon tayo sa Horeb, sinabi sa atin ng Panginoon na ating Dios, ‘Matagal na kayong naninirahan sa bundok na ito,

7. kaya umalis na kayo. Pumunta kayo sa kaburulan ng mga Amoreo at sa mga lugar sa palibot nito – sa Kapatagan ng Jordan, sa kabundukan, sa kaburulan sa kanluran, sa Negev, at sa mga lugar sa tabing-dagat. Pumunta kayo sa lupain ng Canaan at sa Lebanon, hanggang sa malaking Ilog ng Eufrates.

8. Ibinibigay ko ang mga lupaing ito sa inyo. Lumakad na kayo at angkinin ang mga lugar na ito na ipinangako ko sa inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac, at Jacob, at sa kanilang salinlahi.’ ”

9. “Nang panahong iyon, sinabi ko sa inyo, ‘Hindi ko kayo kayang pamunuan nang mag-isa.

10. Pinarami kayo ng Panginoon na inyong Dios. At ngayon, kasindami na kayo ng mga bituin sa langit.

11. Nawaʼy ang Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno, ang lalo pang magparami sa inyo ng ilang libong beses at pagpalain niya kayo ayon sa kanyang ipinangako.

12. Pero paano ko aayusing mag-isa ang inyong mga away at problema?

13. Kaya pumili kayo sa bawat lahi ninyo ng mga taong marunong, maunawain at iginagalang, at pamamahalain ko sila sa inyo.’

Deuteronomio 1