Deuteronomio 1:11-30 Ang Salita ng Dios (ASND)

11. Nawaʼy ang Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno, ang lalo pang magparami sa inyo ng ilang libong beses at pagpalain niya kayo ayon sa kanyang ipinangako.

12. Pero paano ko aayusing mag-isa ang inyong mga away at problema?

13. Kaya pumili kayo sa bawat lahi ninyo ng mga taong marunong, maunawain at iginagalang, at pamamahalain ko sila sa inyo.’

14. “Sumang-ayon kayo na mabuti ang aking plano.

15. Kaya pinamahala ko sa inyo, bilang mga hukom at mga opisyal, ang mga taong marunong at iginagalang na mula sa inyong lahi. Ang ibaʼy responsable sa 1,000 tao, ang ibaʼy sa 100, ang ibaʼy sa 50, at ang ibaʼy sa 10.

16. Nang panahong iyon, iniutos ko sa inyong mga hukom, ‘Ayusin ninyo ang kaso ng mga tao, at humatol nang makatarungan, hindi lang sa mga Israelita kundi pati na rin sa mga dayuhang naninirahang kasama ninyo.

17. Wala dapat kayong papanigan sa inyong paghatol; parehas ninyong pakinggan ang mga mahihirap at mayayaman. Huwag kayong matatakot kahit kanino, dahil galing sa Dios ang mga desisyong ginagawa ninyo. Kung mahirap para sa inyo ang kaso, dalhin ninyo ito sa akin at ako na ang bahala sa paghatol nito.’

18. At sinabi ko rin sa inyo noon ang lahat ng dapat ninyong gawin.

19. “Ayon sa iniutos ng Panginoon na ating Dios, umalis tayo sa Bundok ng Sinai, at naglakbay sa malawak at nakakatakot na ilang na nakita mismo ninyo, at pumunta tayo sa kaburulan ng mga Amoreo. Pagdating natin sa Kadesh Barnea,

20. sinabi ko sa inyo, ‘Nakarating na tayo sa kaburulan ng mga Amoreo na ibinibigay sa atin ng Panginoon na ating Dios.

21. Tingnan ninyo ang lupaing ibinigay niya sa inyo. Angkinin ninyo ito ayon sa sinabi ng Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno. Huwag kayong matakot o manghina.’

22. “Lumapit kayong lahat sa akin at sinabi, ‘Magpadala muna tayo ng mga tao para mag-espiya sa lupain upang masabihan nila tayo kung saan tayo dadaan at kung saan ang mga bayan na pupuntahan natin.’

23. “Napag-isip-isip ko na mabuti ang planong iyon kaya pumili ako ng 12 tao, isa sa bawat lahi.

24. Lumakad sila at dumaan sa kaburulan, at nakarating sa Lambak ng Eshcol at nagmanman sila roon.

25. Sa kanilang pagbalik, may dala sila sa ating mga prutas galing doon, at ibinalita nila na masagana ang lupaing ibinibigay ng Panginoon na ating Dios.

26. “Pero ayaw ninyong pumunta roon, sinuway ninyo ang utos ng Panginoon na inyong Dios.

27. Nagreklamo kayo sa inyong mga tolda at sinabi, ‘Kinasusuklaman tayo ng Panginoon, kaya pinaalis niya tayo sa Egipto para ibigay sa kamay ng mga Amoreo at kanilang patayin.

28. Paano tayo makakapunta roon? Tinakot tayo ng mga nagmanman sa lupain. Sinasabi nilang mas malalakas at mas matataas pa sa atin ang mga tao roon, at ang mga lungsod nila ay malalaki at napapalibutan ng mga pader na parang umabot na sa langit ang taas. At nakita pa nila roon ang mga angkan ni Anak.’

29. “Pagkatapos, sinabi ko sa inyo, ‘Huwag kayong masindak o matakot sa kanila.

30. Ang Panginoon na inyong Dios ang mangunguna at makikipaglaban para sa inyo, kagaya ng nakita ninyong ginawa niya sa Egipto

Deuteronomio 1