4. Nanalangin ako sa Panginoon na aking Dios at humingi ng tawad para sa aming mga kasalanan:“Panginoon, kayo ay makapangyarihan at kahanga-hangang Dios. Tapat po kayo sa pagtupad ng inyong pangako na mamahalin nʼyo ang mga nagmamahal sa inyo at sumusunod sa inyong mga utos.
5. Nagkasala kami sa inyo. Gumawa kami ng kasamaan at sumuway sa inyong mga utos at tuntunin.
6. Hindi kami nakinig sa inyong mga lingkod na propeta na inutusan nʼyong makipag-usap sa aming hari, mga pinuno, matatanda at sa lahat ng taga-Israel.
7. “Panginoon, matuwid po kayo, pero kami ay kahiya-hiya pa rin hanggan ngayon. Gayon din ang lahat ng mga mamamayan ng Juda at Jerusalem, at ang lahat ng Israelita na pinangalat nʼyo sa malalapit at malalayong lugar dahil sa kanilang pagsuway sa inyo.
8. Panginoon, kami ay talagang kahiya-hiya, pati ang aming hari, mga pinuno, at matatanda dahil kami ay nagkasala sa inyo.
9. Pero maawain pa rin kayo, Panginoon naming Dios, at mapagpatawad kahit na sumuway kami sa inyo.
10. Hindi kami sumunod sa inyo dahil hindi namin sinunod ang mga utos na ibinigay ninyo sa amin sa pamamagitan ng inyong mga lingkod na propeta.
11. Ang lahat ng Israelita ay sumuway sa inyong Kautusan; ayaw nilang sundin ang mga sinabi ninyo. At dahil sa aming pagkakasala, dumating sa amin ang sumpa na nakasulat sa Kautusan ni Moises na inyong lingkod.
12. Tinupad po ninyo ang inyong sinabi laban sa amin at sa aming mga pinuno na kami ay inyong parurusahan nang matindi. Kaya ang nangyari sa Jerusalem ay walang katulad sa buong mundo.
13. Dumating sa amin ang parusang ito ayon sa nasusulat sa Kautusan ni Moises. Pero sa kabila nito, hindi namin sinikap na malugod kayo sa amin sa pamamagitan ng pagtalikod sa aming mga kasalanan at ang pagkilala sa inyong katotohanan.
14. Kaya handa kayong parusahan kami; at ginawa nʼyo nga dahil palagi kayong tama sa inyong mga ginagawa. Pero hindi pa rin kami sumunod sa inyo.
15. “Panginoon naming Dios, ipinakita nʼyo ang inyong kapangyarihan noong pinalaya ninyo ang inyong mga mamamayan sa Egipto, at dahil dito ay naging tanyag kayo hanggang ngayon. Inaamin namin na kami ay nagkasala at gumawa ng kasamaan.