Daniel 7:20-28 Ang Salita ng Dios (ASND)

20. Tinanong ko rin siya kung ano ang kahulugan ng sampung sungay ng ikaapat na hayop at ng isa pang sungay na tumubo at nagtanggal ng tatlong sungay. Ang sungay na ito ay may mga mata at may bibig na nagyayabang, at kung titingnan ay mas makapangyarihan siya kaysa sa ibang sungay.

21. Nakita kong ang sungay na ito ay nakikipaglaban sa mga banal ng Dios, at nananalo siya.

22. Pagkatapos, dumating ang Nabubuhay Magpakailanman, ang Kataas-taasang Dios, at humatol panig sa kanyang mga banal. At dumating ang panahon ng paghahari ng mga banal.

23. “Narito ang kanyang paliwanag sa akin: Ang ikaapat na hayop ay ang ikaapat na kaharian dito sa mundo na kakaiba kaysa sa ibang kaharian. Lulusubin nito at wawasakin ang buong mundo.

24. Ang sampung sungay ay ang sampung hari na maghahari sa kahariang iyon. Papalit sa kanila ang isang hari na iba kaysa sa kanila at ibabagsak niya ang tatlong hari.

25. Magsasalita siya laban sa Kataas-taasang Dios, at uusigin niya ang mga banal ng Dios. Sisikapin niyang baguhin ang mga pista at Kautusan. Ipapasakop sa kanya ang mga banal ng Dios sa loob ng tatloʼt kalahating taon.

26. Pero hahatulan siya, kukunin ang kanyang kapangyarihan, at lilipulin nang lubos.

27. At pagkatapos ay ibibigay sa banal na mga mamamayan ng Kataas-taasang Dios ang pamamahala at kapangyarihan sa mga kaharian ng buong mundo. Kaya maghahari sila magpakailanman, at ang lahat ng kaharian ay magpapasakop sa kanila.

28. “Iyon ang panaginip ko. Nabagabag ako at namutla sa takot. Pero hindi ko ito sinabi kahit kanino.”

Daniel 7