1. Noong unang taon ng paghahari ni Belshazar sa Babilonia, nagkaroon ng mga pangitain si Daniel sa kanyang panaginip. Ito ang panaginip na kanyang isinulat:
2. “Isang gabi, may nakita akong pangitain ng isang malawak na dagat na hinahampas ng malakas na hangin mula sa apat na direksyon.
3. Mula sa dagat ay biglang lumitaw ang apat na magkakaibang hayop.
4. “Ang unang hayop ay parang leon, pero may pakpak ng agila. Kitang-kita kong pinutol ang kanyang pakpak. Pinatayo siya na parang tao at binigyan ng kaisipang tulad ng sa tao.
5. “Ang pangalawang hayop ay parang oso. Nakatayo siya sa dalawang hulihang paa at may kagat siyang tatlong tadyang. May tinig na nagsabi sa kanya, ‘Sige, magpakasawa ka sa karne.’
6. “Ang pangatlong hayop ay parang leopardo. Mayroon itong apat na pakpak sa likod at may apat na ulo. Binigyan siya ng kapangyarihan upang mamahala.
7. “Nang gabi ring iyon, nakita ko sa aking pangitain ang ikaapat na hayop. Nakakatakot itong tingnan at napakalakas. Sa pamamagitan ng kanyang malalaking ngiping bakal sinasakmal niyaʼt niluluray ang kanyang mga biktima, at kapag may natitira pa ay tinatapak-tapakan niya. Kakaiba ito sa tatlong hayop, at sampu ang kanyang sungay.
8. “Habang tinitingnan ko ang mga sungay, nakita kong tumubo ang munting sungay at nabunot ang tatlong sungay. Ang sungay na ito ay may mata na tulad ng tao at may bibig na nagsasalita ng kayabangan.
9. “Pagkatapos ay nakita kong may mga tronong inilagay, at umupo sa kanyang trono ang Dios na Nabubuhay Magpakailanman. Nakakasilaw ang kanyang damit at buhok dahil sa kaputian. Nagliliyab ang kanyang tronong may mga gulong.
10. At mula sa kanya ay umaagos ang apoy. Milyon-milyon ang mga naglilingkod sa kanya. Handa na siyang humatol, kaya binuksan ang mga aklat.
11. “Patuloy kong tinitingnan ang sungay dahil sa naririnig kong pagyayabang nito, hanggang sa nakita kong pinatay ang ikaapat na hayop. Inihagis siya sa apoy at nasunog ang kanyang katawan.
12. At ang natitirang tatlong hayop ay inalisan ng kapangyarihan, pero hinayaang mabuhay nang maigsing panahon.