7. Kaming mga administrador, mayor, gobernador, tagapayo, at mga komisyoner ng inyong kaharian ay nagkasundong hilingin sa inyo na gumawa ng kautusan na sa loob ng 30 araw ay walang mananalangin sa sinumang dios o tao maliban sa inyo. At dapat itong sundin, dahil ang sinumang susuway sa utos na ito ay itatapon sa kulungan ng mga leon.
8. Kaya Mahal na Hari, magpalabas na po kayo ng ganoong kautusan. Ipasulat nʼyo po at lagdaan para hindi na mabago o mapawalang-bisa ayon sa kautusan ng ating kahariang Media at Persia.”
9. Pumayag si Haring Darius, kaya nilagdaan niya ang kautusang iyon.
10. Nang malaman ni Daniel na lumagda ang hari, umuwi siya at pumunta sa kanyang silid na nasa itaas na bahagi ng bahay, kung saan nakabukas ang bintana na nakaharap sa Jerusalem. Doon lumuhod siya, nanalangin at nagpasalamat sa kanyang Dios, tatlong beses sa isang araw, ayon sa kanyang nakaugalian.
11. Pero sinusubaybayan pala siya ng mga opisyal na kumakalaban sa kanya, at nakita nila siyang nananalangin at nagpupuri sa kanyang Dios.
12. Kaya pumunta sila sa hari at sinabi ang paglabag ni Daniel sa kautusan. Sinabi nila sa hari, “Mahal na Hari, hindi baʼt lumagda kayo ng kautusan na sa loob ng 30 araw ay walang mananalangin sa alin mang dios o tao maliban sa inyo? At ang sinumang lumabag sa kautusang iyon ay ihuhulog sa kulungan ng mga leon?”Sumagot ang hari, “Totoo iyon, at hindi na iyon mababago o mapapawalang-bisa ayon sa kautusan ng ating kahariang Media at Persia.”
13. Sinabi nila sa hari, “Si Daniel na isa sa mga bihag mula sa Juda ay hindi sumusunod sa inyong utos. Nananalangin siya sa kanyang Dios ng tatlong beses sa isang araw.”
14. Nang marinig ito ng hari, nabalisa siya ng sobra. Nais niyang tulungan si Daniel, kaya buong maghapon siyang nag-isip at naghanap ng paraan para mailigtas si Daniel.