Daniel 5:23-31 Ang Salita ng Dios (ASND)

23. sa halip itinuring mong mas mataas ka kaysa sa Panginoon. Ipinakuha mo ang mga tasang mula sa templo ng Dios at ginamit ninyong inuman ng iyong marangal na mga bisita, mga asawa, at iba pang mga asawang alipin. Maliban diyan, sumamba ka pa sa mga dios-diosang gawa sa pilak, ginto, tanso, bakal, kahoy, at bato. Itoʼy mga dios na hindi nakakakita, hindi nakakarinig, at hindi nakakaunawa. Ngunit hindi mo man lang pinuri ang Dios na siyang may hawak ng iyong buhay at nakakaalam ng iyong landas na dadaanan.

24-25. Kaya ipinadala niya ang kamay na iyon para isulat ang mga katagang ito:“Mene, Mene, Tekel, Parsin.

26. Ang ibig sabihin nito:Ang Mene ay nangangahulugan na bilang na ng Dios ang natitirang araw ng paghahari mo, dahil wawakasan na niya ito.

27. Ang Tekel ay nangangahulugan na tinimbang ka ng Dios at napatunayang ikaw ay nagkulang.

28. Ang Parsin ay nangangahulugan na ang kaharian moʼy mahahati at ibibigay sa Media at Persia.”

29. Pagkatapos magsalita ni Daniel, iniutos ni Haring Belshazar na bihisan si Daniel ng maharlikang damit at suotan ng gintong kwintas. At ipinahayag ng hari na siya ay magiging pangatlong pinakamataas na pinuno sa kaharian ng Babilonia.

30. Nang gabi ring iyon, pinatay si Belshazar na hari ng mga taga-Babilonia.

31. At si Darius na taga-Media ang pumalit sa kanya, na noon ay 62 taong gulang na.

Daniel 5