1-3. Noong si Belshazar ang hari ng Babilonia, naghanda siya ng malaking piging para sa kanyang 1,000 marangal na mga bisita. Habang nag-iinuman sila, ipinakuha ni Belshazar ang mga tasang ginto at pilak na kinuha ng ama niyang si Nebucadnezar sa templo ng Dios sa Jerusalem. Ipinakuha niya ang mga ito para gamitin nila ng kanyang mga marangal na mga bisita, ng kanyang mga asawa, at ng iba pa niyang mga asawang alipin. Nang madala na sa kanya ang mga tasa, ginamit nila ito para inuman.
4. At habang silaʼy nag-iinuman, pinupuri nila ang kanilang mga dios na gawa sa ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy, at bato.
5. Walang anu-anoʼy may nakitang kamay ang hari na sumusulat sa pader ng palasyo malapit sa ilawan.
6. Dahil dito, nanginig at namutla ang hari sa tindi ng takot.
7. Kaya sumigaw siya na ipatawag ang marurunong sa Babilonia: ang mga salamangkero, mga astrologo, at mga manghuhula. Nang dumating sila, sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang makabasa ng nakasulat na iyan at makapagpaliwanag ng kahulugan ay bibihisan ko ng maharlikang damit at pasusuotan ko ng gintong kwintas. At siyaʼy magiging pangatlong pinakamataas na pinuno sa aking kaharian.”
8. Lumapit ang mga marurunong upang basahin ang nakasulat sa pader. Pero hindi nila kayang basahin o maipaliwanag sa hari ang kahulugan nito.
9. Kaya lalong natakot at namutla si Haring Belshazar. Litong-lito naman ang isip ng kanyang marangal na mga bisita.
10. Nang marinig ng reyna ang kanilang pagkakagulo, lumapit siya sa kanila at sinabi, “Mabuhay ang Mahal na Hari! Huwag kang matakot o mag-alala,
11. dahil may isang tao sa iyong kaharian na nasa kanya ang espiritu ng banal na mga dios. Noong panahon ng iyong amang si Haring Nebucadnezar, ang taong ito ay nagpamalas ng kanyang karunungan tulad sa karunungan ng mga dios. Ginawa siya ng iyong ama na pinuno ng mga salamangkero, engkantador, manghuhula, at mga astrologo.
12. Siya ay si Daniel na pinangalanan ng hari na Belteshazar. May pambihira siyang kakayahan at karunungan. Marunong siyang magbigay-kahulugan sa mga panaginip, magpaliwanag ng mga bugtong, at lumutas ng mahihirap na mga problema. Kaya ipatawag mo siya at ipapaliwanag niya ang kahulugan ng nakasulat na iyon sa pader.”
13. Kaya ipinatawag si Daniel. At nang siyaʼy dumating, sinabi sa kanya ng hari, “Ikaw pala si Daniel na isa sa mga bihag na Judio na dinala rito ng aking ama mula sa Juda.
14. Nabalitaan kong ang espiritu ng mga dios ay nasa iyo at mayroon kang pambihirang kakayahan at karunungan.