Daniel 4:7-21 Ang Salita ng Dios (ASND)

7. Nang dumating ang mga salamangkero, manghuhula at mga astrologo, sinabi ko sa kanila ang panaginip ko, pero hindi nila maipaliwanag ang kahulugan nito.

8. “Nang bandang huli, lumapit sa akin si Daniel. (Pinangalanan siyang Belteshazar na pangalan din ng aking dios. Nasa kanya ang espiritu ng banal na mga dios.) Isinalaysay ko sa kanya ang aking panaginip.

9. Sinabi ko, ‘Belteshazar, pinuno ng mga salamangkero, alam kong nasa iyo ang espiritu ng mga dios at nauunawaan mo agad ang kahulugan ng mga hiwaga. Sabihin mo sa akin ang kahulugan ng mga pangitaing nakita ko sa aking panaginip.

10. Ito ang mga pangitaing nakita ko habang natutulog ako: Nakita ko ang isang napakataas na punongkahoy sa gitna ng mundo.

11. Lumaki at tumaas ito hanggang sa langit kaya kitang-kita ito kahit saang bahagi ng mundo.

12. Mayabong ang kanyang mga dahon at marami ang kanyang bunga na maaaring kainin ng lahat. Ang mga hayop ay sumisilong dito at ang mga ibon ay namumugad sa kanyang mga sanga. At dito kumukuha ng pagkain ang lahat ng nilalang.’

13. “Nakita ko rin sa panaginip ang isang anghel na bumaba mula sa langit.

14. Sumigaw siya, ‘Putulin ninyo ang punongkahoy na iyan at ang mga sanga nito. Alisin ang mga dahon nito at itapon ang mga bunga. Bugawin ninyo ang mga hayop na sumisilong at ang mga ibon na namumugad sa mga sanga nito.

15. Pero hayaan ninyo ang tuod sa gitna ng kaparangan para maging talian ng bakal at tanso.’“Ang taong sinisimbolo ng punong iyon ay laging mababasa ng hamog at kakain ng damo kasama ng mga hayop.

16. Sa loob ng pitong taon ay mawawala siya sa katinuan at magiging isip-hayop.

17. Ito ang hatol na sinabi ng anghel para malaman ng lahat na ang Kataas-taasang Dios ang siyang may kapangyarihan sa kaharian ng mga tao. At maaari niyang ipasakop ang mga ito kahit kanino niya gustuhin, kahit na sa pinakaabang tao.

18. “Ito ang panaginip ko, Belteshazar. Sabihin mo sa akin ang kahulugan nito dahil wala ni isa man sa mga marunong sa aking kaharian ang makapagpaliwanag sa akin ng kahulugan nito. Pero maipapaliwanag mo ito sapagkat nasa iyo ang espiritu ng mga dios.”

19. Nabagabag at natakot si Daniel (na tinatawag ding Belteshazar) nang marinig niya ito. Kaya sinabi sa kanya ng hari, “Belteshazar, huwag kang mabagabag sa panaginip ko at sa kahulugan nito.” Sumagot si Belteshazar, “Mahal na Hari, sana ang iyong panaginip at ang kahulugan nito ay sa inyong mga kaaway mangyari at hindi sa iyo.

20. Ang napanaginipan ninyong punongkahoy na lumaki at tumaas hanggang langit na kitang-kita sa buong mundo,

21. na may mayayabong na dahon at maraming bunga na maaaring kainin ng lahat, sinisilungan ng mga hayop at pinamumugaran ng mga ibon ang mga sanga,

Daniel 4