Daniel 4:16-27 Ang Salita ng Dios (ASND)

16. Sa loob ng pitong taon ay mawawala siya sa katinuan at magiging isip-hayop.

17. Ito ang hatol na sinabi ng anghel para malaman ng lahat na ang Kataas-taasang Dios ang siyang may kapangyarihan sa kaharian ng mga tao. At maaari niyang ipasakop ang mga ito kahit kanino niya gustuhin, kahit na sa pinakaabang tao.

18. “Ito ang panaginip ko, Belteshazar. Sabihin mo sa akin ang kahulugan nito dahil wala ni isa man sa mga marunong sa aking kaharian ang makapagpaliwanag sa akin ng kahulugan nito. Pero maipapaliwanag mo ito sapagkat nasa iyo ang espiritu ng mga dios.”

19. Nabagabag at natakot si Daniel (na tinatawag ding Belteshazar) nang marinig niya ito. Kaya sinabi sa kanya ng hari, “Belteshazar, huwag kang mabagabag sa panaginip ko at sa kahulugan nito.” Sumagot si Belteshazar, “Mahal na Hari, sana ang iyong panaginip at ang kahulugan nito ay sa inyong mga kaaway mangyari at hindi sa iyo.

20. Ang napanaginipan ninyong punongkahoy na lumaki at tumaas hanggang langit na kitang-kita sa buong mundo,

21. na may mayayabong na dahon at maraming bunga na maaaring kainin ng lahat, sinisilungan ng mga hayop at pinamumugaran ng mga ibon ang mga sanga,

22. ay walang iba kundi kayo, Mahal na Hari. Sapagkat kayo po ay naging makapangyarihan; ang kapangyarihan nʼyo ay abot hanggang langit, at ang inyong nasasakupan ay umabot sa ibaʼt ibang dako ng mundo.”

23. Sinabi pa ni Daniel, “Nakita nʼyo rin, Mahal na Hari, ang isang anghel na bumaba mula sa langit na sumisigaw, ‘Putulin ninyo ang punongkahoy pero hayaan ninyo ang tuod nito sa lupa na natatalian ng bakal at tanso. Hayaang mabasa ng hamog at kakain kasama ng mga hayop sa gubat sa loob ng pitong taon.’

24. “Mahal na Hari, ito po ang ibig sabihin ng pangitaing niloob ng Kataas-taasan na Dios na mangyari sa inyo:

25. Itataboy kayo at ilalayo sa mga tao at maninirahan kayong kasama ng mga hayop sa gubat. Kakain kayo ng damo tulad ng baka at palagi kayong mababasa ng hamog. Pagkatapos ng pitong taon, kikilalanin nʼyo ang Kataas-taasang Dios na siyang may kapangyarihan sa mga kaharian ng mga tao at maaari niyang ipasakop ang mga ito kahit kanino niya gustuhin.

26. Tungkol naman po sa sinabi ng anghel na hayaan lang ang tuod, ang ibig sabihin noon ay ibabalik sa inyo ang kaharian nʼyo kung kikilalanin nʼyo na ang Dios ang siyang naghahari sa lahat.

27. Kaya Mahal na Hari, pakinggan nʼyo po ang payo ko: Tigilan nʼyo na po ang inyong kasamaan, gumawa kayo ng matuwid at maging maawain sa mga dukha. Kung gagawin nʼyo po ito, baka sakaling manatili kayong maunlad.”

Daniel 4