1. Gumawa si Haring Nebucadnezar ng isang mensahe para sa lahat ng tao sa ibaʼt ibang bansa, lahi, at wika sa buong mundo. Ito ang nakasulat:“Sumainyo nawa ang mabuting kalagayan.
2. “Nais kong ipaalam sa inyo ang mga himala at kababalaghang ginawa sa akin ng Kataas-taasang Dios.
3. Kamangha-mangha at makapangyarihan ang mga himalang ipinakita ng Dios.Ang paghahari niya ay walang hanggan.
4. “Ang aking kalagayan dito sa palasyo ay mabuti at namumuhay ako sa kasaganaan.
5. Pero nagkaroon ako ng nakakatakot na panaginip at pangitain na bumabagabag sa akin.
6. Kaya iniutos ko na dalhin sa akin ang lahat ng marurunong sa Babilonia para ipaliwanag sa akin ang kahulugan ng aking panaginip.
7. Nang dumating ang mga salamangkero, manghuhula at mga astrologo, sinabi ko sa kanila ang panaginip ko, pero hindi nila maipaliwanag ang kahulugan nito.
8. “Nang bandang huli, lumapit sa akin si Daniel. (Pinangalanan siyang Belteshazar na pangalan din ng aking dios. Nasa kanya ang espiritu ng banal na mga dios.) Isinalaysay ko sa kanya ang aking panaginip.
9. Sinabi ko, ‘Belteshazar, pinuno ng mga salamangkero, alam kong nasa iyo ang espiritu ng mga dios at nauunawaan mo agad ang kahulugan ng mga hiwaga. Sabihin mo sa akin ang kahulugan ng mga pangitaing nakita ko sa aking panaginip.
10. Ito ang mga pangitaing nakita ko habang natutulog ako: Nakita ko ang isang napakataas na punongkahoy sa gitna ng mundo.
11. Lumaki at tumaas ito hanggang sa langit kaya kitang-kita ito kahit saang bahagi ng mundo.