Daniel 2:41-48 Ang Salita ng Dios (ASND)

41. Ang mga paa na yari sa bakal at luwad ay nangangahulugan ng mahahating kaharian. Pero mananatili itong malakas, dahil ikaw mismo ang nakakita na may halo itong bakal.

42. Ang mga daliring bakal at luwad na mga paa ay nangangahulugan na may bahagi ang kaharian na matibay at may bahaging mahina.

43. Ang pagsasama ng bakal at luwad ay nangangahulugang magkakaisa ang mga pinuno ng mga kahariang ito sa pamamagitan ng pag-aasawa ng magkaibang lahi. Pero hindi rin magtatagal ang kanilang pagkakaisa, katulad ng bakal at luwad na hindi maaaring paghaluin.

44. “Sa panahon ng mga haring ito, ang Dios sa langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi babagsak kailanman. Hindi ito matatalo ng alinmang kaharian, kundi wawasakin pa niya ang lahat ng kaharian at mananatili ito magpakailanman.

45. Katulad ito ng iyong nakitang tipak na bato mula sa bundok (na hindi kagagawan ng tao) na dumurog sa rebultong yari sa bakal, tanso, luwad, pilak at ginto.“Mahal na Hari, ipinahayag po ng makapangyarihang Dios sa inyo kung ano ang mga mangyayari sa hinaharap. Iyon ang panaginip nʼyo at ang kahulugan nito. Totoo po ang lahat ng sinabi ko.”

46. Nagpatirapa si Haring Nebucadnezar upang parangalan si Daniel. Pagkatapos, nag-utos siyang maghandog at magsunog ng insenso kay Daniel.

47. Sinabi niya kay Daniel, “Dahil sa ipinahayag mo ang panaginip ko at ang kahulugan nito, totoo na ang iyong Dios ang pinakamakapangyarihan sa lahat ng dios. Siya ang dapat kilalaning Panginoon ng mga hari. At siya lamang ang nakakapagpahayag ng mga hiwaga.”

48. Pagkatapos, binigyan ng hari si Daniel ng maraming magagandang regalo. Ginawa siyang tagapamahala ng buong lalawigan ng Babilonia at pinuno ng lahat ng marurunong doon.

Daniel 2