31. “Ito po ang inyong panaginip: May nakita kayong malaking rebulto na nakakasilaw na nakatayo sa inyong harapan at nakakatakot tingnan.
32. Ang ulo nito ay purong ginto, ang mga bisig at dibdib ay pilak, ang tiyan at hita ay tanso.
33. Ang kanyang mga binti ay bakal at ang kanyang mga paa naman ay bakal at luwad.
34. At habang tinitingnan nʼyo po ang rebulto, may batong natipak na hindi kagagawan ng tao. Tumama ito sa mga paang bakal at luwad ng rebulto, at nawasak ang kanyang mga paa.
35. Agad namang nadurog ang buong rebulto na gawa sa bakal, luwad, tanso, pilak at ginto. At parang naging ipa sa giikan na ipinadpad ng hangin kung saan-saan. Pero ang batong bumagsak sa paa ng rebulto ay naging malaking bundok at pumuno sa buong mundo.
36. “Iyan po ang panaginip nʼyo, at ito naman ang kahulugan:
37. Mahal na Hari, kayo ang hari ng mga hari. Ginawa kayong hari ng Dios sa langit at binigyan ng kapangyarihan, kalakasan, at karangalan.