Daniel 11:4-16 Ang Salita ng Dios (ASND)

4. Kapag siyaʼy naging makapangyarihan na, mawawasak ang kanyang kaharian at mahahati sa apat na bahagi ng daigdig, pero hindi ang kanyang mga angkan ang maghahari dito. Ang mga haring papalit sa kanya ay hindi makakapamahala tulad ng kanyang pamamahala. Kukunin ang kanyang kaharian at ibibigay sa iba.

5. “Ang hari ng timog ay magiging makapangyarihan. Pero isa sa kanyang mga heneral ay magiging mas makapangyarihan kaysa sa kanya. At sa bandang huli, ang heneral na ito ay maghahari rin at magiging makapangyarihan ang kaharian niya.

6. Pagkalipas ng ilang taon, magsasanib ang dalawang kahariang ito, dahil ipapaasawa ng hari ng timog ang anak niyang babae sa hari ng hilaga. Pero hindi magtatagal ang kapangyarihan ng babae pati ang kapangyarihan ng hari ng hilaga. Sapagkat sa panahong iyon, papatayin ang babae at ang kanyang asawaʼt anak, pati ang mga naglilingkod sa kanya.

7. “Sa bandang huli, maghahari sa timog ang kapatid ng babae. Siya ang papalit sa kanyang ama. Lulusubin niya ang mga sundalo ng hari ng hilaga at papasukin ang napapaderang lungsod nito, at magtatagumpay siya sa labanan.

8. Dadalhin niya pauwi sa Egipto ang mga dios-diosan nila at mga mamahaling ari-arian na yari sa ginto at pilak. Sa loob ng ilang taon, hindi na siya makikipagdigma sa hari ng hilaga.

9. Pero sa bandang huli, lulusubin siya ng hari sa hilaga, pero matatalo ito at babalik sa kanyang bayan.

10. “Magtitipon ng maraming sundalo ang mga anak ng hari ng hilaga para maghanda sa pakikipaglaban. Ang isa sa kanila ay sasalakay na parang bahang hindi mapigilan. Sasalakay siya hanggang sa napapaderang lungsod ng hari ng timog.

11. At dahil sa galit ng hari ng timog, lalabanan niya ang hari ng hilaga at tatalunin niya ang napakaraming sundalo nito.

12. Sa kanyang tagumpay, magmamataas siya at marami pa ang kanyang papatayin, pero hindi magtatagal ang kanyang tagumpay.

13. Sapagkat ang hari ng hilaga ay muling magtitipon ng mas marami pang sundalo kaysa sa dati. At pagkalipas ng ilang taon, muli siyang sasalakay kasama ang napakaraming sundalo dala ang napakaraming kagamitang pandigma.

14. “Sa panahong iyon, marami ang maghihimagsik laban sa hari ng timog. Isa na sa mga ito ang mga kababayan mong Israelita na mapupusok. Gagawin nila ito bilang katuparan ng pangitain, pero matatalo sila.

15. Sasalakayin ng hari ng hilaga ang isa sa mga napapaderang lungsod sa timog. Kukubkubin nila ito at papasukin. Walang magagawa ang mga sundalo sa timog pati na ang kanilang pinakamagaling na mga kawal, dahil hindi nila kayang talunin ang kalaban.

16. Kaya gagawin ng hari ng hilaga ang anumang gusto niyang gawin at walang makapipigil sa kanya. Sasakupin niya ang magandang lupain ng Israel, at lubusan itong mapapasailalim sa kanyang kapangyarihan.

Daniel 11