4. Kapag siyaʼy naging makapangyarihan na, mawawasak ang kanyang kaharian at mahahati sa apat na bahagi ng daigdig, pero hindi ang kanyang mga angkan ang maghahari dito. Ang mga haring papalit sa kanya ay hindi makakapamahala tulad ng kanyang pamamahala. Kukunin ang kanyang kaharian at ibibigay sa iba.
5. “Ang hari ng timog ay magiging makapangyarihan. Pero isa sa kanyang mga heneral ay magiging mas makapangyarihan kaysa sa kanya. At sa bandang huli, ang heneral na ito ay maghahari rin at magiging makapangyarihan ang kaharian niya.
6. Pagkalipas ng ilang taon, magsasanib ang dalawang kahariang ito, dahil ipapaasawa ng hari ng timog ang anak niyang babae sa hari ng hilaga. Pero hindi magtatagal ang kapangyarihan ng babae pati ang kapangyarihan ng hari ng hilaga. Sapagkat sa panahong iyon, papatayin ang babae at ang kanyang asawaʼt anak, pati ang mga naglilingkod sa kanya.
7. “Sa bandang huli, maghahari sa timog ang kapatid ng babae. Siya ang papalit sa kanyang ama. Lulusubin niya ang mga sundalo ng hari ng hilaga at papasukin ang napapaderang lungsod nito, at magtatagumpay siya sa labanan.
8. Dadalhin niya pauwi sa Egipto ang mga dios-diosan nila at mga mamahaling ari-arian na yari sa ginto at pilak. Sa loob ng ilang taon, hindi na siya makikipagdigma sa hari ng hilaga.
9. Pero sa bandang huli, lulusubin siya ng hari sa hilaga, pero matatalo ito at babalik sa kanyang bayan.
37-38. Hindi niya kikilalanin ang dios ng kanyang mga ninuno o ang dios na mahal ng mga babae. Ituturing niyang higit ang kanyang sarili kaysa sa mga iyon. Wala siyang pahahalagahang dios maliban sa dios na nananalakay ng mga napapaderang bayan. Pararangalan niya ang dios na ito na hindi kilala ng kanyang mga ninuno. Hahandugan niya ito ng mga ginto, pilak, mamahaling bato, at ng iba pang mamahaling mga regalo.
39. Lulusubin niya ang pinakamatibay na mga lungsod sa tulong ng dios na iyon na hindi kilala ng kanyang mga ninuno. Pararangalan niya ang mga taong mabuti sa kanya sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kapangyarihang mamahala sa maraming tao. At bibigyan niya sila ng lupain bilang gantimpala.
40. “Pagdating ng wakas, makikipaglaban ang hari ng timog sa hari ng hilaga. Pero lulusubin siya ng hari ng hilaga na may mga karwaheng pandigma, mga nangangabayong sundalo at mga hukbong pandagat. Lulusubin niya ang maraming bansa at maninira na parang baha.
41. Lulusubin niya pati ang magandang lupain ng Israel, at maraming tao ang mamamatay. Pero makakatakas ang Edom, ang Moab at ang mga pinuno ng Ammon.
42. Maraming bansa ang kanyang lulusubin, kabilang dito ang Egipto.
43. Mapapasakanya ang mga ginto, pilak, at ang lahat ng kayamanan ng Egipto. Sasakupin din niya ang Libya at Etiopia.
44. Pero may mga balitang magmumula sa silangan at hilaga na babagabag sa kanya. Kaya sasalakay siya sa matinding galit, at maraming tao ang kanyang lilipulin nang lubusan.
45. Magtatayo siya ng maharlikang tolda sa pagitan ng dagat at ng banal na bundok. Pero mamamatay siya nang wala man lang tutulong sa kanya.”