Daniel 11:26-40 Ang Salita ng Dios (ASND)

26. Papatayin siya ng sarili niyang mga tauhan. Kaya matatalo ang kanyang mga sundalo at marami sa kanila ang mamamatay.

27. “Ang dalawang haring ito ay magsasama pero pareho silang magsisinungaling at mag-iisip ng masama laban sa isaʼt isa. Pareho silang hindi magtatagumpay sa kanilang binabalak laban sa isaʼt isa. At magpapatuloy ang labanan nila dahil hindi pa dumarating ang takdang panahon.

28. Ang hari ng hilaga ay uuwi sa kanyang bayan dala ang maraming nasamsam na kayamanan mula sa digmaan. Pero bago siya umuwi, uusigin niya ang mga mamamayan ng Dios at ang kanilang relihiyon. At pagkatapos ay saka siya uuwi sa sarili niyang bayan.

29. “Sa takdang panahon ay muli niyang lulusubin ang kaharian sa timog, pero ang mangyayari ay hindi na katulad ng nangyari noon.

30. Sapagkat lulusubin siya ng hukbong pandagat mula sa kanluran. At dahil dito, uurong siya at babalik sa kanyang bayan. Ibubunton niya ang kanyang galit sa mga mamamayan ng Dios at sa kanilang relihiyon, pero magiging mabuti siya sa mga tumalikod sa kanilang relihiyon.

31. “Uutusan ng hari ng hilaga ang kanyang mga sundalo na lapastanganin ang templong napapalibutan ng pader. Ipapatigil niya ang araw-araw na paghahandog at ilalagay ang kasuklam-suklam na bagay na magiging dahilan ng pag-iwan sa templo.

32. Aakitin niya sa pamamagitan ng panlilinlang ang mga tumalikod sa kanilang relihiyon para gumawa ng hindi mabuti. Pero lakas-loob siyang lalabanan ng mga taong tunay na tapat sa Dios.

33. “Ang mga taong nakakaunawa ng katotohanan ay magtuturo sa maraming tao, pero uusigin sila sa loob ng ilang araw. Ang ilan sa kanila ay papatayin sa pamamagitan ng espada o susunugin, at ang ilan ay bibihagin o kukunin ang kanilang mga ari-arian.

34. Sa panahon na inuusig sila, iilan lang ang tutulong sa kanila, pero maraming hindi tapat ang sasama sa kanila.

35. Uusigin ang ilang nakakaunawa ng katotohanan upang maging dalisay at malinis ang kanilang mga buhay hanggang sa dumating ang katapusan, na darating sa takdang panahon.

36. “Gagawin ng hari ng hilaga ang anumang gusto niyang gawin. Ituturing niyang higit ang kanyang sarili kaysa sinumang dios, at hahamakin niya ang Dios na higit kaysa sa lahat ng dios. Magtatagumpay siya hanggang sa panahon na ipakita ng Dios ang kanyang galit, dahil kailangang mangyari ang mga bagay na itinakda ng Dios na dapat mangyari.

37-38. Hindi niya kikilalanin ang dios ng kanyang mga ninuno o ang dios na mahal ng mga babae. Ituturing niyang higit ang kanyang sarili kaysa sa mga iyon. Wala siyang pahahalagahang dios maliban sa dios na nananalakay ng mga napapaderang bayan. Pararangalan niya ang dios na ito na hindi kilala ng kanyang mga ninuno. Hahandugan niya ito ng mga ginto, pilak, mamahaling bato, at ng iba pang mamahaling mga regalo.

39. Lulusubin niya ang pinakamatibay na mga lungsod sa tulong ng dios na iyon na hindi kilala ng kanyang mga ninuno. Pararangalan niya ang mga taong mabuti sa kanya sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kapangyarihang mamahala sa maraming tao. At bibigyan niya sila ng lupain bilang gantimpala.

40. “Pagdating ng wakas, makikipaglaban ang hari ng timog sa hari ng hilaga. Pero lulusubin siya ng hari ng hilaga na may mga karwaheng pandigma, mga nangangabayong sundalo at mga hukbong pandagat. Lulusubin niya ang maraming bansa at maninira na parang baha.

Daniel 11