22. Maraming kalabang sundalo ang kanyang papatayin, pati na ang punong pari.
23. Makikipagkasundo siya sa maraming bansa, pero dadayain niya ang mga ito sa bandang huli. Magiging makapangyarihan siya kahit maliit ang kaharian niya.
24. Sa hindi inaasahan ng mga tao, bigla niyang lulusubin ang mauunlad na lugar ng isang lalawigan. Gagawin niya ang hindi ginawa ng kanyang mga ninuno. Hahati-hatiin niya sa mga tagasunod niya ang kanyang mga nasamsam sa labanan. Pinaplano niyang salakayin ang mga napapaderang lungsod, pero sa maikling panahon lamang.
25. “Maglalakas-loob siyang salakayin ang hari ng timog na may marami at malakas ring hukbo. Pero matatalo ang hari ng timog dahil sa katusuhan ng kanyang mga kalaban.
26. Papatayin siya ng sarili niyang mga tauhan. Kaya matatalo ang kanyang mga sundalo at marami sa kanila ang mamamatay.
27. “Ang dalawang haring ito ay magsasama pero pareho silang magsisinungaling at mag-iisip ng masama laban sa isaʼt isa. Pareho silang hindi magtatagumpay sa kanilang binabalak laban sa isaʼt isa. At magpapatuloy ang labanan nila dahil hindi pa dumarating ang takdang panahon.
28. Ang hari ng hilaga ay uuwi sa kanyang bayan dala ang maraming nasamsam na kayamanan mula sa digmaan. Pero bago siya umuwi, uusigin niya ang mga mamamayan ng Dios at ang kanilang relihiyon. At pagkatapos ay saka siya uuwi sa sarili niyang bayan.
29. “Sa takdang panahon ay muli niyang lulusubin ang kaharian sa timog, pero ang mangyayari ay hindi na katulad ng nangyari noon.
30. Sapagkat lulusubin siya ng hukbong pandagat mula sa kanluran. At dahil dito, uurong siya at babalik sa kanyang bayan. Ibubunton niya ang kanyang galit sa mga mamamayan ng Dios at sa kanilang relihiyon, pero magiging mabuti siya sa mga tumalikod sa kanilang relihiyon.