Daniel 11:13-29 Ang Salita ng Dios (ASND)

13. Sapagkat ang hari ng hilaga ay muling magtitipon ng mas marami pang sundalo kaysa sa dati. At pagkalipas ng ilang taon, muli siyang sasalakay kasama ang napakaraming sundalo dala ang napakaraming kagamitang pandigma.

14. “Sa panahong iyon, marami ang maghihimagsik laban sa hari ng timog. Isa na sa mga ito ang mga kababayan mong Israelita na mapupusok. Gagawin nila ito bilang katuparan ng pangitain, pero matatalo sila.

15. Sasalakayin ng hari ng hilaga ang isa sa mga napapaderang lungsod sa timog. Kukubkubin nila ito at papasukin. Walang magagawa ang mga sundalo sa timog pati na ang kanilang pinakamagaling na mga kawal, dahil hindi nila kayang talunin ang kalaban.

16. Kaya gagawin ng hari ng hilaga ang anumang gusto niyang gawin at walang makapipigil sa kanya. Sasakupin niya ang magandang lupain ng Israel, at lubusan itong mapapasailalim sa kanyang kapangyarihan.

17. Talagang determinado ang hari ng hilaga na salakayin ang kaharian sa timog nang buong lakas ng kaharian niya. Makikipagkasundo muna siya sa hari ng timog sa pamamagitan ng pag-aalok ng kanyang anak na maging asawa ng nito, upang sa pamamagitan nito ay maibagsak niya ang kaharian sa timog. Pero hindi magtatagumpay ang kanyang layunin.

18. Kaya ang mga bayan na lang muna sa tabing-dagat ang kanyang lulusubin at marami ang kanyang masasakop. Pero patitigilin ng isang pinuno ang kanyang pagpapahiya sa iba, at siya mismo ang mapapahiya.

19. Kaya uuwi siya sa napapaderan niyang mga bayan. Pero matatalo siya, at iyon ang magiging wakas niya.

20. “Ang haring papalit sa kanya ay mag-uutos sa isang opisyal na sapilitang maniningil ng buwis para madagdagan ang kayamanan ng kaharian niya. Pero hindi magtatagal ay mamamatay ang haring ito, hindi dahil sa labanan o sa mayroong galit sa kanya.

21. “Ang papalit sa kanya bilang hari ay taong hindi kagalang-galang at walang karapatang maging hari. Sa hindi inaasahan ng mga tao, bigla niyang sasakupin ang kaharian sa pamamagitan ng pandaraya.

22. Maraming kalabang sundalo ang kanyang papatayin, pati na ang punong pari.

23. Makikipagkasundo siya sa maraming bansa, pero dadayain niya ang mga ito sa bandang huli. Magiging makapangyarihan siya kahit maliit ang kaharian niya.

24. Sa hindi inaasahan ng mga tao, bigla niyang lulusubin ang mauunlad na lugar ng isang lalawigan. Gagawin niya ang hindi ginawa ng kanyang mga ninuno. Hahati-hatiin niya sa mga tagasunod niya ang kanyang mga nasamsam sa labanan. Pinaplano niyang salakayin ang mga napapaderang lungsod, pero sa maikling panahon lamang.

25. “Maglalakas-loob siyang salakayin ang hari ng timog na may marami at malakas ring hukbo. Pero matatalo ang hari ng timog dahil sa katusuhan ng kanyang mga kalaban.

26. Papatayin siya ng sarili niyang mga tauhan. Kaya matatalo ang kanyang mga sundalo at marami sa kanila ang mamamatay.

27. “Ang dalawang haring ito ay magsasama pero pareho silang magsisinungaling at mag-iisip ng masama laban sa isaʼt isa. Pareho silang hindi magtatagumpay sa kanilang binabalak laban sa isaʼt isa. At magpapatuloy ang labanan nila dahil hindi pa dumarating ang takdang panahon.

28. Ang hari ng hilaga ay uuwi sa kanyang bayan dala ang maraming nasamsam na kayamanan mula sa digmaan. Pero bago siya umuwi, uusigin niya ang mga mamamayan ng Dios at ang kanilang relihiyon. At pagkatapos ay saka siya uuwi sa sarili niyang bayan.

29. “Sa takdang panahon ay muli niyang lulusubin ang kaharian sa timog, pero ang mangyayari ay hindi na katulad ng nangyari noon.

Daniel 11