Daniel 10:6-20 Ang Salita ng Dios (ASND)

6. Ang katawan niya ay kumikinang na parang mamahaling bato. Ang kanyang mukha ay kumikislap na parang kidlat, at ang kanyang mga mata ay nagliliyab na parang sulo. Ang kanyang mga kamay at mga paa ay kumikinang na parang makinis na tanso, at ang kanyang tinig ay parang ingay ng napakaraming tao.

7. Ako lang talaga ang nakakita ng pangitaing iyon. Hindi iyon nakita ng aking mga kasama, pero nagsipagtago sila dahil sa takot.

8. Kaya naiwan akong nag-iisa at ako lang ang nakakita ng kamangha-manghang pangitaing iyon. Namutla ako at nawalan ng lakas.

9. Narinig kong nagsasalita ang taong iyon. At habang nagsasalita siya, nawalan ako ng malay at nasubsob sa lupa.

10. Hinawakan at tinulungan niya ako habang nanginginig pa ang aking mga kamay at mga tuhod.

11. Sinabi niya, “Daniel, mahal ka ng Dios. Tumayo ka at makinig nang mabuti sa sasabihin ko sa iyo, dahil isinugo ako ng Dios dito sa iyo.” Pagkasabi niya noon, nanginginig akong tumayo.

12. Sinabi niya sa akin, “Daniel, huwag kang matakot. Sapagkat sa unang araw pa lamang ng iyong pagpapakumbaba sa Dios at sa hangad mong maunawaan ang pangitain, sinagot na ang iyong dalangin. Kaya pumarito ako para dalhin ang kasagutan sa iyong dalangin.

13. Pero hindi ako nakarating agad dito dahil sa loob ng 21 araw ay hinadlangan ako ng pinuno ng kaharian ng Persia. Mabuti na lang at tinulungan ako ni Micael na pinuno ng mga anghel dahil ako lang ang nakikipaglaban sa pinuno ng Persia.

14. Narito ako ngayon para ipaliwanag sa iyo kung ano ang mangyayari sa iyong mga kababayang Israelita sa hinaharap, dahil ang iyong pangitain ay tungkol sa mga mangyayari sa hinaharap.”

15. Habang nagsasalita siya sa akin, napayuko na lang ako at hindi nakapagsalita.

16. Hinipo ako sa bibig nitong parang tao, at nakapagsalita akong muli. Sinabi ko sa kanya na nakatayo sa aking harapan, “Ginoo, nabagabag po ako at nawalan ng lakas dahil sa pangitaing nakita ko.

17. Paano ako makikipag-usap sa inyo gayong wala na akong lakas at halos hindi na ako makahinga?”

18. Kaya muli niya akong hinipo at bumalik ang aking lakas.

19. Sinabi niya sa akin, “Ikaw na mahal ng Dios, huwag kang matakot o mag-alala. Magpakalakas at magpakatatag ka.” Nang masabi niya ito sa akin, muli akong lumakas. Sinabi ko sa kanya, “Ituloy nʼyo po ang pagsasalita, dahil pinalakas nʼyo na ako.”

20. Sumagot siya, “Kinakailangang bumalik ako sa pakikipaglaban sa pinuno ng Persia. Pagkatapos, darating naman ang pinuno ng Grecia. Pero alam mo ba kung bakit ako pumarito sa iyo?

Daniel 10