5. Iniutos din ng hari na mula sa kanyang sariling pagkain at inumin ang ibibigay sa kanila araw-araw. At pagkatapos ng tatlong taong pagsasanay, maglilingkod na sila sa kanya.
6. Kabilang sa mga napili ay sina Daniel, Hanania, Mishael, at Azaria na pawang mula sa lahi ni Juda.
7. Pinalitan ni Ashpenaz ang kanilang mga pangalan. Si Daniel ay pinangalanang Belteshazar, si Hanania ay Shadrac, si Mishael ay Meshac, at si Azaria ay Abednego.
8. Pero ipinasya ni Daniel na hindi siya kakain ng pagkain ng hari o iinom ng kanyang inumin para hindi siya marumihan. Kaya nakiusap siya kay Ashpenaz na huwag siyang bigyan ng pagkain at inuming iyon.
9. Niloob naman ng Dios na siyaʼy kalugdan ni Ashpenaz.
10. Pero sinabi ni Ashpenaz kay Daniel, “Natatakot ako sa hari. Siya ang pumili kung ano ang kakainin at iinumin ninyo, at kung makita niyang hindi kayo malusog gaya ng ibang mga kabataan, baka ipapatay niya ako.”
11. Dahil dito, sinabi ni Daniel sa itinalaga ni Ashpenaz na mangangalaga sa kanila,
12. “Subukan nʼyo kaming pakainin lang ng gulay at painumin ng tubig sa loob ng sampung araw.
13. Pagkatapos, ihambing ninyo kami sa mga kabataang kumakain ng pagkain ng hari, at tingnan ninyo kung ano ang magiging resulta. At bahala na kayo kung ano ang gagawin ninyo sa amin.”
14. Pumayag naman ito at sinubukan nga sila sa loob ng sampung araw.
15. Pagkatapos ng sampung araw, nakita ng tagapagbantay na mas malusog sila kaysa sa mga kabataang kumakain ng pagkain ng hari.
16. Kaya ipinagpatuloy na lang ang pagbibigay sa kanila ng gulay at tubig sa halip na pagkain at inumin ng hari.