18. At kinuha ko ang mga Levita kapalit ng lahat ng panganay na lalaki ng Israel.
19. Sa lahat ng mga Israelita, ang mga Levita ang pinili ko na tumulong kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki. Maglilingkod sila sa Toldang Tipanan para sa mga Israelita, at gagawa sila ng mga seremonya para sa kapatawaran ng kasalanan ng mga Israelita, para walang panganib na dumating sa kanila kapag lumapit sila sa Toldang Tipanan.”
20. Kaya itinalaga nila Moises, Aaron at ng buong mamamayan ng Israel ang mga Levita ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
21. Naglinis ang mga Levita ng kanilang sarili at nilabhan nila ang kanilang mga damit. Pagkatapos, itinalaga sila ni Aaron sa presensya ng Panginoon bilang espesyal na handog, at gumawa si Aaron ng seremonya para sa kapatawaran ng mga kasalanan nila, at para maituring silang malinis.
22. Pagkatapos noon, naglingkod na ang mga Levita sa Toldang Tipanan sa ilalim ng pamamahala ni Aaron at ng mga anak niya. Kaya ginawa nila sa mga Levita ang iniutos ng Panginoon kay Moises.
23. Sinabi ng Panginoon kay Moises,
24. “Para sa mga Levita ang mga tuntuning ito: Magsisimula ang mga Levita sa paglilingkod sa Toldang Tipanan sa edad na 25,
25. at titigil sila sa paglilingkod sa edad na 50. At kapag magreretiro na sila,
26. maaari silang makatulong sa kapwa nila Levita sa pamamagitan ng paglilingkod bilang tagapagbantay sa Tolda, pero hindi na sila gagawa ng mga gawain sa Tolda. Ganito ang paraan kung paano mo ibibigay ang mga tungkulin sa mga Levita.”