Bilang 7:1-10 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Pagkatapos maiayos ni Moises ang Tolda, winisikan niya ito ng langis at itinalaga pati ang lahat ng kagamitan nito. Ganito rin ang kanyang ginawa sa altar at sa lahat ng kagamitan nito.

2. Pagkatapos, nagdala ng mga handog sa Panginoon ang mga pinuno ng Israel, na pinuno ng bawat lahi. Sila ang nakatalaga sa pagsesensus.

3. Nagdala sila ng anim na kariton at 12 baka – isang kariton sa bawat dalawang pinuno, at isang baka sa bawat isa sa kanila. Dinala nila ito sa harapan ng Toldang Sambahan.

4. Sinabi ng Panginoon kay Moises,

5. “Tanggapin mo ang kanilang mga handog upang magamit para sa mga gawain sa Toldang Tipanan. Ibigay ito sa mga Levita ayon sa kanilang gawain.”

6. Kaya tinanggap ni Moises ang mga kariton at ang mga baka, at ibinigay ito sa mga Levita.

7. Ibinigay niya ang dalawang kariton at apat na baka sa mga angkan ni Gershon para sa kanilang gawain.

8. At ibinigay niya ang apat na kariton at walong baka sa mga angkan ni Merari para rin sa kanilang gawain. Pinamumunuan silang lahat ni Itamar na anak ng paring si Aaron.

9. Pero hindi binigyan ni Moises ng kariton o baka ang mga angkan ni Kohat dahil sila ang itinalaga sa pagdadala ng mga banal na bagay ng Tolda.

10. Nagdala rin ang mga pinuno ng kanilang mga handog para sa pagtatalaga ng altar noong itinalaga ito.

Bilang 7