Bilang 6:8-18 Ang Salita ng Dios (ASND)

8. Kaya sa buong panahon ng pagtatalaga niya ng kanyang buhay, ibinukod siya para sa Panginoon.

9. “Kung may biglang namatay sa kanyang tabi, at dahil ditoʼy nadumihan ang kanyang buhok na simbolo ng kanyang pagkakatalaga sa Panginoon, kailangang ahitin niya ito sa ikapitong araw, iyon ang araw ng kanyang paglilinis.

10. Sa ikawalong araw, kailangang magdala siya ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato sa pari roon sa pintuan ng Toldang Tipanan.

11. Ihahandog ng pari ang isa bilang handog sa paglilinis at ang isa bilang handog na sinusunog. Sa pamamagitan nito, mapapatawad siya sa kasalanan niya na paghipo sa patay. Sa mismong araw na iyon, itatalaga niyang muli ang kanyang sarili at muli niyang pahahabain ang kanyang buhok.

12. Ang lumipas na mga araw ng kanyang paglilingkod sa Panginoon ay hindi kabilang sa pagtupad niya sa kanyang panata, dahil nadungisan siya nang nakahipo siya ng patay. Kailangang italaga niyang muli ang kanyang sarili hanggang sa matapos ang kanyang panata, at magdala siya ng lalaking tupa bilang handog na pambayad sa kanyang kasalanan.

13. “Ito ang kanyang dapat gawin kapag natapos na niya ang kanyang panata bilang Nazareo: Kailangang dalhin siya sa pintuan ng Toldang Tipanan.

14. Doon, maghahandog siya sa Panginoon nitong mga sumusunod na hayop na walang kapintasan: isang lalaking tupa na isang taong gulang bilang handog na sinusunog, isang babaeng tupa na isang taong gulang din bilang handog sa paglilinis at isang lalaking tupa bilang handog para sa mabuting relasyon.

15. Bukod pa rito, maghahandog din siya ng mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon, mga handog na inumin at isang basket ng tinapay na walang pampaalsa, na ginawa mula sa magandang klaseng harina. Ang ibang tinapay ay makapal na hinaluan ng langis, at ang iba naman ay manipis na pinahiran ng langis.

16. “Ang pari ang maghahandog nito sa Panginoon: Ihahandog niya ang handog sa paglilinis at ang handog na sinusunog;

17. pagkatapos, ihahandog din niya ang lalaking tupa bilang handog para sa mabuting relasyon kasama ang isang basket na tinapay na walang pampaalsa. At ihahandog din niya ang mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at ang mga handog na inumin.

18. “At doon sa pintuan ng Toldang Tipanan aahitin ng Nazareo ang kanyang buhok na simbolo ng pagtatalaga niya ng kanyang buhay sa Panginoon. Susunugin niya ito sa apoy na pinagsusunugan ng handog na para sa mabuting relasyon.

Bilang 6