Bilang 5:10-28 Ang Salita ng Dios (ASND)

10. Magiging pag-aari ng mga pari ang mga banal na handog na ito.”

11. Sinabi pa ng Panginoon kay Moises,

12-13. “Sabihin mo ito sa mga Israelita: Kung sakali man na may isang lalaking naghihinala na nanlalalaki ang kanyang asawa, ngunit wala siyang katibayan dahil walang nakakita nito sa akto,

14-15. kailangang dalhin niya ang kanyang asawa sa pari, kahit na hindi totoong dinungisan nito ang sarili sa pamamagitan ng pangangalunya. At kailangang magdala ang lalaki ng handog na dalawang kilong harinang sebada para sa kanyang asawa. Hindi niya ito dapat lagyan ng langis o insenso dahil itoʼy handog ng paghihinala.

16. Dadalhin ng pari ang babae sa aking presensya,

17. at pagkatapos ay maglalagay ang pari ng tubig sa mangkok na gawa sa putik, at lalagyan niya ito ng alikabok na mula sa sahig ng Toldang Tipanan.

18. Kapag pinatayo na ng pari ang babae sa aking presensya, ilulugay ng pari ang buhok ng babae, at ilalagay sa kamay niya ang handog ng paghihinala para malaman kung talagang nagkasala ang babae. Pagkatapos, hahawakan ng pari ang mangkok na may mapait na tubig na nagdadala ng sumpa,

19. at pasusumpain niya ang babae at sasabihin sa kanya, ‘Kung hindi mo dinungisan ang iyong sarili sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa ibang lalaki, hindi ka masasaktan ng parusang dala ng tubig na ito.

20. Pero kung dinungisan mo ang iyong sarili sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa ibang lalaki na hindi mo asawa,

21. sumusumpa ako na magiging halimbawa sa mga tao ang sumpa ng Dios sa iyo. At sanaʼy hindi ka magkaanak.

22. Ang tubig sana na ito na nagdadala ng sumpa ay pumasok sa iyong katawan para hindi ka na magkaanak.’ Pagkatapos, sasabihin ng babae, ‘Mangyari sana ito.’

23. “At isusulat ng pari ang sumpang ito sa isang sulatan at huhugasan niya ito sa mangkok na may mapait na tubig.

24. (Kapag napainom na sa babae ang mapait na tubig na nagdadala ng sumpa. At kung may kasalanan siya, magiging dahilan ito ng matinding paghihirap niya, kung talagang nagkasala siya.)

25. Pagkatapos, kukunin ng pari sa kamay ng babae ang handog ng paghihinala na inihandog ng asawa niya dahil sa paghihinala nito, at itataas ito ng pari sa aking presensya at dadalhin sa altar.

26. Kukuha ang pari ng isang dakot ng handog na ito upang malaman kung nagkasala nga ang babae o hindi, at susunugin ito sa altar. Pagkatapos, ipapainom niya sa babae ang tubig.

27. Kung totoong dinungisan niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagtataksil sa kanyang asawa, magpaparusa sa kanya nang matindi ang tubig na kanyang ininom na nagdadala ng sumpa. Hindi na siya magkakaanak at magiging halimbawa sa mga tao ang sumpa ng Dios sa kanya.

28. Pero kung hindi niya dinungisan ang kanyang sarili, hindi siya masasaktan, at magkakaanak siya.

Bilang 5