9. “Ang mga lalagyan ng ilaw ay babalutin nila ng telang asul, pati ang mga ilaw nito, ang mga panggupit ng mitsa ng ilaw, ang mga lalagyan ng upos na mula sa ilawan at mga banga na lalagyan ng langis ng ilaw.
10. Babalutin pa nila itong lahat ng magandang klase ng balat at itatali sa tukod na pambuhat.
11. “Tatakluban din nila ng telang asul ang gintong altar at tatakluban pa ng magandang klase ng balat, at pagkatapos, isusuot sa mga argolya ang mga pambuhat nito.
12. Ang mga natirang kagamitan ng Tolda na ginagamit sa paglilingkod sa templo ay babalutin din nila ng telang asul at tatakluban ng magandang klase ng balat ng hayop at itatali sa tukod na pambuhat.
13. “Kailangang alisin ang abo sa altar, at tatakluban ng telang kulay ube.
14. At ilalagay nila sa altar ang lahat ng kagamitan nito: Ang lalagyan ng baga, ang malalaking tinidor para sa karne, ang mga pala at ang mga mangkok. Tatakluban nila ito ng magandang klase ng balat at isusuot nila sa argolya ang mga pambuhat nito.
15. “Matapos takluban ni Aaron at ng mga anak niya ang Toldang Tipanan at ang lahat ng kagamitan nito, dadalhin ito ng angkan ni Kohat kapag aalis na sila sa kanilang pinagkakampuhan. Pero hindi nila hahawakan ang mga banal na bagay para hindi sila mamatay. Ito nga ang mga kagamitan ng Toldang Tipanan na dadalhin ng mga angkan ni Kohat.