Bilang 4:17-30 Ang Salita ng Dios (ASND)

17. Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron,

18. “Huwag ninyong pabayaang mawala ang pamilya ni Kohat sa mga Levita.

19. Ganito ang inyong gagawin para hindi sila mamatay kapag lalapit sila sa pinakabanal na mga bagay: sasamahan sila ni Aaron at ng mga anak nito kapag papasok na sila sa Tolda at sasabihin sa kanila kung ano ang dapat nilang gawin at kung ano ang kanilang dadalhin.

20. Kung hindi sila sasamahan, hindi sila dapat pumasok kahit sandali lang para tingnan ang banal na mga bagay, para hindi sila mamatay.”

21. Sinabi ng Panginoon kay Moises,

22. “Isensus ang mga angkan ni Gershon ayon sa kanilang pamilya.

23. Isama sa sensus ang lahat ng lalaking may edad 30 hanggang 50 taong gulang na may kakayahang maglingkod sa Toldang Tipanan.

24. “Ang mga gawain ng mga angkan ni Gershon ay ang pagdadala ng mga sumusunod:

25. ang mga kurtina ng Toldang Sambahan na tinatawag ding Toldang Tipanan, ang lahat ng pantaklob nito at ang mga kurtina sa pintuan,

26. ang mga kurtina sa bakuran na nakapalibot sa Tolda at altar, ang kurtina sa pintuan ng bakuran, ang mga panali at ang lahat ng kagamitan na ginagamit sa paglilingkod sa Tolda. Sila ang gagawa ng lahat ng mga gawain na may kinalaman sa mga kagamitang ito.

27. Si Aaron at ang mga anak niya ang mamamahala sa mga angkan ni Gershon tungkol sa kanilang mga gawain, magdadala man ng mga kagamitan o gagawa ng ibang mga gawain. Kayo ni Aaron ang magsasabi kung ano ang kanilang dadalhin.

28. Iyon ang mga gawain ng mga angkan ni Gershon sa Toldang Tipanan. Pangungunahan sila ni Itamar na anak ng paring si Aaron.”

29. “Bilangin mo rin ang mga angkan ni Merari ayon sa kanilang pamilya.

30. Isama sa bilang ang lahat ng lalaking may edad 30 hanggang 50 taong gulang may kakayahang maglingkod sa Toldang Tipanan.

Bilang 4