Bilang 35:2-20 Ang Salita ng Dios (ASND)

2. “Sabihin mo sa mga Israelita na bigyan nila ang mga Levita ng mga bayan na titirhan ng mga ito mula sa mga lupaing matatanggap nila.

3. Sa ganitong paraan, may matitirhang bayan ang mga Levita at may pastulan para sa kanilang mga hayop.

4. Ang agwat ng pastulang inyong ibibigay sa palibot ng kanilang bayan ay mga 450 metro mula sa pader ng kanilang mga bayan.

5. Pagkatapos, sumukat kayo ng 900 metro sa bawat direksyon ng bayan – sa silangan, sa timog, sa kanluran at sa hilaga – kaya nasa gitna ang bayan nito. Ito ang pastulan para sa mas malaking mga bayan.

6. “Bigyan din ninyo ang mga Levita ng anim na bayan na magiging lungsod na tanggulan, kung saan makakatakas papunta roon ang taong makakapatay nang hindi sinasadya. Hindi ito kasama sa 42 bayan na inyong ibibigay sa kanila.

7. Kaya 48 lahat ang mga bayan na inyong ibibigay sa mga Levita kasama ang kanilang mga pastulan.

8. Manggagaling ang mga bayan na ito sa mga lupain ng mga lahi ng Israel. Ang lahi na may maraming parte ay magbibigay ng maraming bayan at ang lahi na may kaunting parte ay magbibigay ng kaunti.”

9. Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises,

10. “Sabihin mo sa mga Israelita na kapag tumawid na sila sa Jordan papunta sa Canaan,

11. pumili sila ng mga bayan na magiging lungsod na tanggulan kung saan makakatakas papunta roon ang taong makakapatay nang hindi sinasadya.

12. Mapoprotektahan siya ng lungsod na ito laban sa mga taong gustong gumanti sa kanya. Hindi siya dapat patayin hanggaʼt hindi pa siya nahahatulan sa harap ng kapulungan.

13. Ang anim na bayan na ito ang magiging lungsod ninyong tanggulan.

14. Ilagay ninyo sa silangan ng Jordan ang tatlong lungsod at tatlo sa Canaan.

15. Ang anim na bayan na ito ay magiging tanggulan hindi lang ng mga Israelita kundi pati ng mga dayuhan na naninirahan kasama ninyo para ang sinuman sa kanila na makapatay nang hindi sinasadya ay makakatakas papunta dito.

16. “Pero kung hinampas ng isang tao ang sinuman ng bakal at namatay ito, ituturing na kriminal ang nasabing tao at kailangang patayin din siya.

17. Kung binato ng isang tao ang sinuman at namatay ito, ituturing na kriminal ang nasabing tao at kailangang patayin din siya.

18. O halimbawa, hinampas ng kahoy ng isang tao ang sinuman at namatay ito, ituturing din na kriminal ang taong iyon, at kailangang patayin din siya.

19. Ang malapit na kamag-anak ng pinatay ang may karapatang pumatay sa kriminal. Papatayin niya ang kriminal kung siyaʼy makikita niya.

20. “Kung napatay ng isang tao dahil sa kanyang galit ang sinuman sa pamamagitan ng panunulak, o paghahagis ng kahit anong bagay,

Bilang 35