13. Ang anim na bayan na ito ang magiging lungsod ninyong tanggulan.
14. Ilagay ninyo sa silangan ng Jordan ang tatlong lungsod at tatlo sa Canaan.
15. Ang anim na bayan na ito ay magiging tanggulan hindi lang ng mga Israelita kundi pati ng mga dayuhan na naninirahan kasama ninyo para ang sinuman sa kanila na makapatay nang hindi sinasadya ay makakatakas papunta dito.
16. “Pero kung hinampas ng isang tao ang sinuman ng bakal at namatay ito, ituturing na kriminal ang nasabing tao at kailangang patayin din siya.
17. Kung binato ng isang tao ang sinuman at namatay ito, ituturing na kriminal ang nasabing tao at kailangang patayin din siya.
18. O halimbawa, hinampas ng kahoy ng isang tao ang sinuman at namatay ito, ituturing din na kriminal ang taong iyon, at kailangang patayin din siya.
19. Ang malapit na kamag-anak ng pinatay ang may karapatang pumatay sa kriminal. Papatayin niya ang kriminal kung siyaʼy makikita niya.
20. “Kung napatay ng isang tao dahil sa kanyang galit ang sinuman sa pamamagitan ng panunulak, o paghahagis ng kahit anong bagay,
21. o pagsuntok, ituturing na kriminal ang nasabing tao at kailangang patayin din siya. Ang malapit na kamag-anak ng napatay ang may karapatang pumatay sa kriminal. Papatayin niya ang kriminal kung siyaʼy makikita niya.
22. “Pero halimbawang ang isang taong walang sama ng loob ang nakapatay sa isang tao na nahagisan niya ng kahit anong bagay o natulak na hindi sinasadya,
23. o nahulugan niya ng bato nang hindi niya nakikita, at dahil nga napatay niya ang tao, kahit hindi niya kaaway, at hindi niya sinasadya ang pagkakapatay sa kanya,
24. dadalhin pa rin siya sa kapulungan kasama ng taong gustong maghiganti sa kanya, at hahatulan siya ayon sa mga tuntuning ito.