28. Kaya nag-utos si Moises sa paring si Eleazar, kay Josue na anak ni Nun at sa mga pinuno ng lahi ng Israel.
29. Sinabi niya, “Kung ang mga tauhan ng lahi nina Gad at Reuben na may kakayahang makipaglaban ay tatawid sa Jordan para sumama sa pakikipaglaban sa laban ng Panginoon at kung maagaw na ninyo ang lupaing iyon, ibigay ninyo sa kanila ang lupain ng Gilead bilang lupain nila.
30. Pero kung hindi sila tatawid kasama ninyo dapat silang tumanggap ng lupa kasama ninyo, roon sa lupain ng Canaan.”
31. Sinabi ng mga lahi nina Gad at Reuben, “Susundin namin kung ano ang sinabi ng Panginoon.
32. Tatawid kami sa Jordan sa presensya ng Panginoon, pero ang mamanahin naming lupain ay ang nasa silangan sa tabi ng Jordan.”
33. Kaya ibinigay ni Moises sa mga lahi nina Gad, Reuben at sa kalahati ng lahi ni Manase na anak ni Jose ang kaharian ni Sihon na hari ng mga Amoreo at ang kaharian ni Haring Og ng Bashan – ang buong lupain pati na ang lungsod at mga teritoryo sa palibot nito.
34. Itinayong muli ng lahi ni Gad ang Dibon, Atarot, Aroer,
35. Atrot Shofan, Jazer, Jogbeha,
36. Bet Nimra at Bet Haran. Ang mga lungsod na ito ay pinalibutan nila ng pader. Gumawa rin sila ng mga kulungan para sa kanilang mga hayop.
37. At itinayong muli ng mga lahi ni Reuben ang Heshbon, Eleale, Kiriataim
38. pati ang mga lugar na tinatawag noon na Nebo at Baal Meon at ang Sibma. Pinalitan nila ang mga pangalan ng mga lungsod na muli nilang itinayo.
39. Sinalakay ng mga angkan ni Makir na anak ni Manase ang Gilead at naagaw nila ito, at itinaboy nila ang mga Amoreo na naninirahan doon.
40. Kaya ibinigay ni Moises ang Gilead sa mga angkan ni Makir, na lahi rin ni Manase at doon sila nanirahan.
41. Naagaw ni Jair na mula rin sa lahi ni Manase, ang mga baryo sa Gilead at tinawag niya itong, “Mga Bayan ni Jair”.
42. Naagaw ni Noba ang Kenat at ang mga baryo sa palibot nito at tinawag niya itong, “Noba” ayon sa pangalan niya.