Bilang 32:22-33 Ang Salita ng Dios (ASND)

22. at maangkin ang lupa, maaari na kayong makabalik dito dahil natupad na ninyo ang inyong tungkulin sa Panginoon at sa kapwa ninyo Israelita. At magiging inyo na ang lupaing ito sa harapan ng Panginoon.

23. “Pero kung hindi ninyo ito gagawin, magkakasala kayo sa Panginoon at siguradong pagbabayaran ninyo ang inyong mga kasalanan.

24. Sige, magtayo kayo ng mga lungsod para sa inyong mga asawaʼt anak at gumawa ng mga kulungan para sa inyong mga hayop, pero dapat ninyong tuparin ang inyong ipinangako.”

25. Sumagot ang mga lahi nina Gad at Reuben kay Moises, “Susundin namin ang inyong mga utos.

26. Maiiwan dito sa mga lungsod ng Gilead ang aming mga asawa, mga anak at mga hayop.

27. Pero kami na iyong mga lingkod na may kakayahang makipaglaban ay tatawid sa Jordan para makipaglaban ayon sa utos mo sa amin.”

28. Kaya nag-utos si Moises sa paring si Eleazar, kay Josue na anak ni Nun at sa mga pinuno ng lahi ng Israel.

29. Sinabi niya, “Kung ang mga tauhan ng lahi nina Gad at Reuben na may kakayahang makipaglaban ay tatawid sa Jordan para sumama sa pakikipaglaban sa laban ng Panginoon at kung maagaw na ninyo ang lupaing iyon, ibigay ninyo sa kanila ang lupain ng Gilead bilang lupain nila.

30. Pero kung hindi sila tatawid kasama ninyo dapat silang tumanggap ng lupa kasama ninyo, roon sa lupain ng Canaan.”

31. Sinabi ng mga lahi nina Gad at Reuben, “Susundin namin kung ano ang sinabi ng Panginoon.

32. Tatawid kami sa Jordan sa presensya ng Panginoon, pero ang mamanahin naming lupain ay ang nasa silangan sa tabi ng Jordan.”

33. Kaya ibinigay ni Moises sa mga lahi nina Gad, Reuben at sa kalahati ng lahi ni Manase na anak ni Jose ang kaharian ni Sihon na hari ng mga Amoreo at ang kaharian ni Haring Og ng Bashan – ang buong lupain pati na ang lungsod at mga teritoryo sa palibot nito.

Bilang 32