Bilang 32:15-29 Ang Salita ng Dios (ASND)

15. Kung hindi kayo susunod sa Panginoon, pababayaan niyang muli kayong mga mamamayan dito sa ilang at kayo ang magiging dahilan ng pagkalipol ng mga Israelita.”

16. Pero lumapit pa sila kay Moises at sinabi, “Gagawa na lang po kami rito ng mga kulungan para sa aming mga hayop at mga lungsod para sa aming mga kababaihan at anak.

17. Pero handa po kaming pangunahan ang aming mga kapwa Israelita sa pakikipaglaban hanggang sa madala namin sila sa kanilang mga lugar. Habang nakikipaglaban kami, dito po maninirahan ang aming mga anak sa napapaderang lungsod na aming ipapatayo para maging ligtas sila sa mga naninirahan sa lupaing ito.

18. Hindi po kami uuwi hanggang sa matanggap ng lahat ng mga Israelita ang lupaing kanilang mamanahin.

19. Pero ayaw naming makatanggap ng lupa kasama nila sa kabila ng Jordan. Mas gusto po namin dito sa bandang silangan ng Jordan dahil nakakuha na kami ng parte namin dito sa silangan ng Jordan.”

20. Sinabi ni Moises sa kanila, “Kung talagang gagawin ninyo yan, na handa kayo sa pakikipaglaban kasama ang Panginoon,

21. at tatawid ang lahat ng sundalo ninyo sa Jordan hanggang sa maitaboy ng Panginoon ang kanyang mga kaaway

22. at maangkin ang lupa, maaari na kayong makabalik dito dahil natupad na ninyo ang inyong tungkulin sa Panginoon at sa kapwa ninyo Israelita. At magiging inyo na ang lupaing ito sa harapan ng Panginoon.

23. “Pero kung hindi ninyo ito gagawin, magkakasala kayo sa Panginoon at siguradong pagbabayaran ninyo ang inyong mga kasalanan.

24. Sige, magtayo kayo ng mga lungsod para sa inyong mga asawaʼt anak at gumawa ng mga kulungan para sa inyong mga hayop, pero dapat ninyong tuparin ang inyong ipinangako.”

25. Sumagot ang mga lahi nina Gad at Reuben kay Moises, “Susundin namin ang inyong mga utos.

26. Maiiwan dito sa mga lungsod ng Gilead ang aming mga asawa, mga anak at mga hayop.

27. Pero kami na iyong mga lingkod na may kakayahang makipaglaban ay tatawid sa Jordan para makipaglaban ayon sa utos mo sa amin.”

28. Kaya nag-utos si Moises sa paring si Eleazar, kay Josue na anak ni Nun at sa mga pinuno ng lahi ng Israel.

29. Sinabi niya, “Kung ang mga tauhan ng lahi nina Gad at Reuben na may kakayahang makipaglaban ay tatawid sa Jordan para sumama sa pakikipaglaban sa laban ng Panginoon at kung maagaw na ninyo ang lupaing iyon, ibigay ninyo sa kanila ang lupain ng Gilead bilang lupain nila.

Bilang 32