Bilang 31:30-54 Ang Salita ng Dios (ASND)

30. Mula sa parte ng mga Israelita, magbukod ka ng isa sa bawat 50 bihag, tao man o baka, asno, tupa, kambing o iba pang mga hayop. Ibigay ito sa mga Levita na siyang responsable sa pangangalaga sa tolda ng Panginoon.”

31. Kaya ginawa ni Moises at ng paring si Eleazar ang iniutos ng Panginoon kay Moises.

32-35. Ito ang nasamsam ng mga sundalo sa digmaan: 675,000 tupa, 72,000 baka, 61,000 asno at 32,000 babaeng hindi pa nasipingan.

36-40. Ito ang kalahati ng parte ng mga sundalong nakipaglaban. 337,500 tupa na ang 675 nito ay ibinigay para sa Panginoon; 36,000 baka na ang 72 nito ay ibinigay para sa Panginoon; 30,500 asno na ang 61 nito ay ibinigay para sa Panginoon; at 16,000 dalaga na ang 32 nito ay ibinigay para sa Panginoon.

41. Ibinigay ni Moises sa kay Eleazar na pari ang bahagi para sa Panginoon ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.

42-46. Ito ang parte ng mga Israelita na kalahati ng ibinigay ni Moises sa mga sundalong nakipaglaban: 337,500 tupa, 36,000 baka, 30,500 asno at 16,000 dalaga.

47. Mula sa parteng ito ng Israelita, nagbukod si Moises ng isa sa bawat 50 tao o hayop ayon sa iniutos ng Panginoon sa kanya. At ibinigay niya ito sa mga Levita na siyang responsable sa pangangalaga sa tolda ng Panginoon.

48. Pagkatapos, pumunta kay Moises ang mga opisyal ng mga sundalo

49. at sinabi sa kanya, “Binilang namin ang mga sundalo na sakop namin at wala ni isa mang kulang.

50. Kaya inihahandog namin sa Panginoon ang gintong mga bagay na aming nakuha sa labanan – pulseras sa braso at kamay, mga singsing, mga hikaw at mga kwintas, para hindi kami parusahan ng Panginoon.”

51. Tinanggap nina Moises at Eleazar ang lahat ng alahas na ginto.

52. Ang bigat ng mga gintong ito na dinala ng mga opisyal ng mga sundalo na inihandog ni Moises at ni Eleazar sa Panginoon ay 200 kilo.

53. Itoʼy mula sa mga nasamsam ng bawat sundalo sa labanan.

54. Ang mga gintong alahas na tinanggap nina Moises at Eleazar mula sa mga opisyal ng libu-libo at daan-daang sundalo ay dinala nila ito sa Toldang Tipanan para alalahanin ng Panginoon ang mga Israelita.

Bilang 31