Bilang 3:38-51 Ang Salita ng Dios (ASND)

38. Ang lugar na pinagkakampuhan nina Moises at Aaron at ng mga anak niya ay nasa harapan ng Toldang Sambahan, sa bandang silangan. Sila ang binigyan ng responsibilidad para pamahalaan ang mga gawain sa Tolda para sa mga Israelita. Ang sinumang gagawa ng mga gawain ng pari sa Tolda na hindi lahi ni Levi ay papatayin.

39. Ang kabuuang bilang ng mga lalaki na Levita mula isang buwang gulang pataas ay 22,000 lahat. Sina Moises at Aaron ang bumilang sa kanila, ayon sa iniutos ng Panginoon sa kanila.

40. Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bilangin mo at ilista ang mga pangalan ng lahat ng panganay na lalaki ng mga Israelita, mula sa edad na isang buwan pataas.

41. Italaga ang mga Levita sa akin kapalit ng lahat ng panganay na lalaki ng mga Israelita. Ihandog din sa akin ang mga hayop ng mga Levita kapalit ng mga hayop ng mga Israelita. Ako ang Panginoon.”

42-43. Kaya binilang ni Moises ang lahat ng panganay na lalaki ng mga Israelita na may edad isang buwan pataas, ayon sa iniutos ng Panginoon sa kanya. Ang bilang nila ay 22,273.

44. Sinabi pa ng Panginoon kay Moises,

45. “Italaga ang mga Levita sa akin kapalit ng mga panganay na lalaki ng mga Israelita. Ihandog din sa akin ang mga hayop ng mga Levita kapalit ng mga panganay na hayop ng mga Israelita. Akin ang mga Levita. Ako ang Panginoon.

46. At dahil sobra ng 273 ang panganay na lalaki ng mga Israelita kaysa sa mga Levita, kailangang tubusin sila.

47. Ang ibabayad sa pagtubos sa bawat isa sa kanila ay limang pirasong pilak ayon sa timbang ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari.

48. Ibigay mo kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki ang sobrang pera na itinubos sa mga panganay.”

49. Kaya kinolekta ni Moises ang pera na ipinangtubos sa mga panganay na anak ng mga Israelita na sobra sa bilang ng mga Levita.

50. Ang kanyang nakolekta ay 1,365 pirasong pilak, ayon sa timbang ng pilak sa timbangan na ginagamit ng mga pari.

51. At ibinigay niya ito kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki ayon sa iniutos ng Panginoon sa kanya.

Bilang 3