32. Ang pinuno ng mga Levita ay si Eleazar na anak ng paring si Aaron. Siya ang pinili na mamahala sa mga binigyan ng responsibilidad sa pag-aasikaso ng Tolda.
33. Ang mga angkan ni Merari ay ang mga pamilya na nanggaling kina Mahli at Mushi.
34. Ang bilang nila mula isang buwang gulang pataas ay 6,200.
35. Ang kanilang pinuno ay si Zuriel na anak ni Abihail. Nasa bandang hilaga ng Toldang Sambahan ang lugar na kanilang pinagkakampuhan.
36. Sila ang binigyan ng responsibilidad sa pag-aasikaso ng mga balangkas ng Tolda, ng mga biga nito, ng mga haligi at mga pundasyon. Sila ang responsable sa lahat ng mga gawain na may kinalaman sa mga kagamitang ito.
37. Sila rin ang binigyan ng responsibilidad sa pag-aasikaso ng mga haligi na pinagkakabitan ng mga kurtina ng bakuran na nakapalibot sa Tolda pati ang mga pundasyon, mga tulos at mga tali.
38. Ang lugar na pinagkakampuhan nina Moises at Aaron at ng mga anak niya ay nasa harapan ng Toldang Sambahan, sa bandang silangan. Sila ang binigyan ng responsibilidad para pamahalaan ang mga gawain sa Tolda para sa mga Israelita. Ang sinumang gagawa ng mga gawain ng pari sa Tolda na hindi lahi ni Levi ay papatayin.
39. Ang kabuuang bilang ng mga lalaki na Levita mula isang buwang gulang pataas ay 22,000 lahat. Sina Moises at Aaron ang bumilang sa kanila, ayon sa iniutos ng Panginoon sa kanila.
40. Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bilangin mo at ilista ang mga pangalan ng lahat ng panganay na lalaki ng mga Israelita, mula sa edad na isang buwan pataas.
41. Italaga ang mga Levita sa akin kapalit ng lahat ng panganay na lalaki ng mga Israelita. Ihandog din sa akin ang mga hayop ng mga Levita kapalit ng mga hayop ng mga Israelita. Ako ang Panginoon.”
42-43. Kaya binilang ni Moises ang lahat ng panganay na lalaki ng mga Israelita na may edad isang buwan pataas, ayon sa iniutos ng Panginoon sa kanya. Ang bilang nila ay 22,273.
44. Sinabi pa ng Panginoon kay Moises,
45. “Italaga ang mga Levita sa akin kapalit ng mga panganay na lalaki ng mga Israelita. Ihandog din sa akin ang mga hayop ng mga Levita kapalit ng mga panganay na hayop ng mga Israelita. Akin ang mga Levita. Ako ang Panginoon.
46. At dahil sobra ng 273 ang panganay na lalaki ng mga Israelita kaysa sa mga Levita, kailangang tubusin sila.